3,671 total views
Hinimok ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga mananampalataya at Pilipinong nagkasala at lumabag sa kautusan ng Diyos at tao ngayong 2025 midterm election na magsisi at pagnilayan ang kanilang mga ginawa.
Ito ay sa pagtatapos ng halalan kung saan maaring nagkaroon ng mga pagbebenta o pagtanggap sa mga insidente ng vote buying sa lipunan o iba pang kasalanan na magsasanhi ng pagdurusa ng kapwa.
Ayon sa Obispo, hindi pa huli ang lahat, nawa sa pagtatapos ng election period ay pagsisihan ng mga nagkasala ang kanilang mga nagawa at gawin ang lahat upang hindi na ito maulit pa.
“Kung tayo man ay lumabag sa Kanyang mga Kautusan, ang lahat ng ito ay ating pagsisihan. Kung tayo man ay sa ating salita at gawa higit sa lahat sa nakraaang Halalan 2025 ay hindi nakapagdulot ng pagpaparangal sa Kanyang kadakilaan, tayo ngayon ay magtika at mangako na hindi na ito magaganap na muli sa ating pamumuhay. Kung ginawa natin na makabili o makakuha at makaisa sa ating kapwa na naging sanhi sa paglabag sa karapatan ng bawat isa at dangal ng pagboto, ito po ngayon ating nang talikuran, itama ang ating na mamaling pakikitungo at ituwid ang masasamang pag-uugali,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Umaasa ang Obispo na natuto rin ang mga Pilipino ngayong halalan sa pamamagitan ng kanilang boto ay nararapat na bigyan ng pagpupuri at kadakilaan ang Panginoon.
Ito ay upang magkaroon ng kaliwanagan sa mga susunod pang halalan at maiboto ang mga kumakandidato na may tunay na takot sa Diyos upang paglingkuran ang nakakarami
“Ngayon sa pagdiriwang sa Mayo 13 balikan po natin ang Mensahe ng Birheng ng Fatima sa mga batang pastol na sina Lucia, Francesco at Jascinta ay patuloy na nagtatanong sa atin, do you wish to offer your daily life to God?” (nais mo ba na ihandog ang iyong pang-araw araw na buhay sa Panginoong Diyos?), ialay po natin sa Panginoong Diyos ang ating salita at gawa na tama, totoo at tapat. Buong buhay natin para sa Kanya na mabuti, maayos at matuwid, tanggapin po ninyo ang aking pasasalamat at makakaasa po kayo ng aking pananalangin!,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Kasunod ito ng pagpapasalamat sa mga mananampalataya at volunteers ng Parish Pastoral Council For Responsible Voting sa Diyosesis ng Antipolo.