443 total views
Paigtingin at palaganapin ang debosyon kay San Jose. Ito ang panawagan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa isinagawang virtual press conference ng Catholic Bishops Conference of the Philippines bilang bahagi ng paggunita ng simbahan sa Year of Saint Joseph.
Ayon kay Bishop Pabillo chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naglunsad ang simbahan ng natatanging taon ng pagdedebosyon para kay San Jose.
“This is the first time, in the church that we have our year devoted to Saint Joseph. So binigyan tayo ng means of the church. So let us make the most of it; pakinabangan natin. Sana po’y ito’y makatulong talaga sa atin on our path to holiness,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Sa Mayo 1, kasabay ng Kapistahan ni San Jose Manggagawa ay gugunitain sa buong bansa ang National Consecration Day for Saint Joseph na isasagawa sa National Shrine of Saint Joseph sa Mandaue City, Cebu.
Sa araw na ito ilulunsad din ang pagbuo sa Men of Saint Joseph na layong hikayatin ang mga mananampalataya na palaganapin ang pagdedebosyon kay San Jose. Sa Apostolic Letter na Patris Corde, ginunita ni Pope Francis ang 150-taong anibersaryo ng pagkakahirang kay San Jose bilang patron ng Simbahang Katolika.
Bilang bahagi ng anibersaryo ay inihayag ng Santo Papa ang Year of Saint Joseph na nagsimula noong Disyembre 8, 2020 na magtatagal hanggang Disyembre 8, 2021.