1,406 total views
Mariing tinutulan ng mga obispo ng Metropolitan of Lingayen–Dagupan ang planong pagtatayo ng isang nuclear power plant sa Western Pangasinan, na sakop ng Diocese of Alaminos.
Sa kanilang pinagsamang pastoral statement, iginiit ng mga pastol na ang proyekto ay banta hindi lamang sa kalikasan kundi lalo na sa kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.
“We, your archbishop and bishops of the Church in Lingayen Dagupan, declare our opposition to the construction of a nuclear power plant… There is no greater time to come together and stand against any form of destruction that will harm the poor and the vulnerable the most,” ayon sa pahayag.
Tinukoy ng mga obispo na nananatiling mataas ang panganib ng lalawigan sa mga lindol at bagyo, mga panganib na maaaring lumala bunsod ng pagtatayo ng isang nuclear facility.
Nasa state of calamity pa rin ang Pangasinan matapos maapektuhan ng Bagyong Uwan ang mahigit 233,000 residente, dahilan upang kondenahin ng mga pastol ang pagpapatuloy ng proyekto.
Inalala rin ng mga obispo ang trahedyang nuclear sa Fukushima, Japan noong 2011, na siyang nagtulak sa Catholic Bishops’ Conference of Japan na manawagan sa agarang pag-aalis ng mga nuclear power plant dahil sa “insoluble dangers” nito sa buhay, kabuhayan at kalikasan.
Ganito rin ang paninindigan ng mga obispo ng Korea, na nananatiling mariing tutol sa paggamit ng nuclear energy.
“The long-term consequences of nuclear accidents and waste management pose a threat that overrides the perceived short-term benefits,” ayon sa pastoral statement na tumutukoy sa posisyon ng Japan at Korea.
Binigyang-diin pa ng mga obispo na ang lugar na pinag-aaralan para sa proyekto ay malapit sa East Zambales Fault Line, bagay na nagpapalala sa panganib ng isang malawakang sakuna.
“The potential for a catastrophic accident caused by a major earthquake or a super typhoon far outweighs any projected energy benefits,” anila.
Binalikan din ng mga pastol ang matagal nang pag-iingat ni Pope Francis hinggil sa paggamit ng nuclear energy, lalo na’t wala pa ring ganap na katiyakan sa kaligtasan at seguridad nito.
Giit ng mga obispo, dapat siyasatin nang mabuti ang anumang proyektong pang-enerhiya upang tiyaking nakatuon ito sa kapakanan ng mamamayan at hindi magdudulot ng karagdagang panganib sa komunidad.
“Our nation is blessed with abundant renewable energy potential, yet highly vulnerable to disasters. These realities compel us to exercise extreme caution,” panawagan nila.
Hinikayat ng mga obispo ang pamahalaan, mga mambabatas, at buong sambayanan na piliin ang mga hakbang na nagtataguyod ng pag-iingat, kaligtasan, at pangmatagalang sustainability.
“We must prioritize the protection of all life… Pangasinan is not ours. We owe future generations to keep it safe from the disaster of a nuclear catastrophe,” pahayag ng mga obispo.




