5,420 total views
Nagtungo ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Davao City, dala ang P1.2 bilyong halaga ng tulong at serbisyo ng gobyerno para sa 250,000 benepisyaryo sa 2-day event noong Huwebes hanggang Biyernes.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, pangunahing tagapagsulong ng BPSF, ang serbisyo caravan sa Davao ay sa pakikipagtulungan ng Mindanao Development Authority (MinDA) at dala ang temang, “MindaNOW: Serbisyo Para sa Mindanao.”
“Nagbalik tayong muli dito para ipabatid ang mensahe ni Pangulong Marcos na mahalaga ang mga taga-Mindanao sa Bagong Pilipinas. No one is left behind. Iyan ang nais ipabatid ng ating mahal na Pangulo sa lahat ng nabisita ng BPSF sa ating bansa,” ayon kay Romualdez.
Si Romualdez ang kumatawan kay Pangulong Marcos sa pagbubukas ng BPSF sa Davao City, na ginanap sa University of Southeastern Philippines.
Ang BPSF sa Davao City ay ang ika-23 sa serye ng serbisyo caraban at pinangunahan ni MinDA Sec. Leo Tereso Magno, ang lokal na punong abala katuwang sina Tinggog Reps. Yedda K. Romualdez at Jude A. Acidre, DUMPER PTDA Rep. Claudine Diana D. Bautista-Lim, PBA Rep. Margarita “Migs” Nograles, at MARINO Rep. Sandro L. Gonzalez.
Layunin ng programa na mabisita ang lahat ng 82 lalawigan sa buong bansa, dala ang adbokasiya ng “Mabilis, Maayos, Maginhawa at Masayang Serbisyo Publiko.”
Ito na ang ikatlong BPSF sa Davao region, kung saan ginanap ang pambansang paglulunsad sa Monkayo, Davao de Oro noong Setyembre 2023, at sa Tagum City, Davao del Norte noong Hunyo 2024.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, Jr ng BPSF, P1.2 bilyon ang inilaan para sa mga serbisyo ng gobyerno at tulong pinansyal sa 250,000 benepisyaryo, kung saan 38 ahensya ang lumahok at nagpatupad ng 57 programa. Sa halagang ito, P1 bilyon ang ipinamahaging tulong pinansyal para sa mga mahihirap na mamamayan.
“Marami tayong dapat ipagpasalamat at ipagdiwang. Nakaisang taon na ang BPSF at bilyun-bilyon na ang naipamigay ng administrasyong Marcos sa 2.5 milyong pamilyang Pilipino. Madami pa tayong aabutin sa mga susunod na araw at buwan, susuyurin natin ang lahat ng 82 na lalawigan,” ayon kay Speaker Romualdez.
Ang BPSF ay katibayan ng pagtutulungan ng buong gobyerno at buong bansa, bilang bansang maipagmamalaki, sa layunin ni Pangulong Marcos na sa Bagong Pilipinas, walang Pilipino ang maiiiwan.