267 total views
April 12, 2020, 11:13AM
Inihayag ni Radio Veritas President Reverend Father Anton CT Pascual na bukod tanging pag-ibig ng Diyos ang tugon sa pangambang dulot ng pandemic corona virus disease na malaking banta sa buong daigdig.
Sa Easter message ni Fr. Pascual, binigyang diin nito na mapagtagumpayan ng bawat isa ang hamong sinusuong dulot ng COVID 19 kasabay ng muling pagkabuhay ng bugtong na Anak ng Diyos.
“Sa pagdiriwang ng Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Kristo sa harap ng pandemyang COVID 19, naniniwala tayong ang pag-ibig ng Diyos ang papawi sa lahat ng takot, pangamba at mga negatibong epekto ng mikrobyo,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Sa pagtawid ni Hesus mula sa dilim ng kamatayan ay mananaig din sa pamayanan ang pag-ibig ng Diyos na siyang maghahatid ng tagumpay sa sangkatauhan.
Magugunitang kinansela ng mga simbahan sa Pilipinas ang communal celebration sa pagdiriwang ng Mahal na Araw batay na rin sa kautusan na ipinatupad ng gobyerno bilang pag-iingat na kakalat ang virus.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health nasa 4, 428 na ang bilang ng nagppositibo ng COVID 19 sa bansa, 247 dito ang nasawi habang 157 naman ang gumaling na sa karamdaman.
Sa kabuuang bilang naman sa buong daigdig nasa isa punto pitong milyon na ang nagpositibo sa virus subalit 79 porsyento dito ay gumaling na habang 20 porsyento lamang ang nasawi.
Ipinagpasalamat naman ni Fr. Pascual sa Panginoon ang biyaya ng buhay na patuloy na tinatamasa ng sangkatauhan sa gitna ng krisis dulot ng virus at umaasang malalampasan ang pagsubok na ito sa tulong ng mga biyayang kaloob ng Diyos.
“Sa diwa ng Easter Sunday, pagpalain tayo ng Diyos, hustong takal, siksik, liglig at umaapaw; iligtas tayo sa mikrobyong ito at tayo ay makaahon sa pandemya na may bagong katatagan, pananampalataya at paninidigan bilang mga anak ng Diyos,” saad ni Fr. Pascual.
Nawa’y ang pagdating ni Hesus ay magsisilbing pag-asa sa lahat, na ang nararanasang suliranin at paghihirap ay malalampasan tulad ng pagtatagumpay ni Hesus sa paghihirap na dinaanan upang iligtas ang tao mula sa kasalanan.
Hamon sa bawat isa na gawing mabuting halimbawa ang ginawa ni Hesus na sa kabila ng hirap at dusa ay hindi pinanghihinaan kundi buong kababaang loob na kumapit at nananalig sa Diyos Ama.