4,572 total views
Nanawagan ng pagkakaisa, malasakit, at panibagong paninindigan para sa kalikasan si Caceres Arcbhishop Rex Andrew Alarcon, kasunod ng matinding pagbaha na tumama sa ilang bahagi ng bansa.
Sa kanyang mensahe para sa mga nasalanta, ipinahayag ng arsobispo ang kanyang pag-aalala at panawagan sa mamamayan na magmuni-muni sa mga aral ng trahedya. Aniya, ang malawakang pagbaha ay isang malungkot na pangyayari, ngunit isa ring pagkakataon upang mamulat tayo sa ating pananagutan sa kalikasan.
“Ang pagbaha ay paalala sa atin na kailangan nating alagaan ang kapaligiran at gampanan ang ating tungkulin bilang mabuting tagapangasiwa ng kalikasan,” ayon sa arsobispo na kasalukuyang nasa Roma para dumalo sa Jubilee of Digital Missionaries and Catholic Influencers.
Bukod sa pangangalaga sa kapaligiran, iginiit ni Arsobispo Alarcon ang kahalagahan ng pagtutulungan sa panahon ng sakuna. Ayon sa kanya, dapat mag-abot-kamay ang bawat isa at maging bukas-palad sa pagtulong sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, hindi lamang natin nauunawaan ang pinagdaraanan ng iba, kundi napapalalim din ang ating pagkatao bilang isang sambayanan.
“Ang paghihirap ng isa ay paghihirap nating lahat. Sa mga mas maayos ang kalagayan, nawa’y maging daan kayo upang itaas ang inyong kapwa,” aniya.
Hinimok rin niya ang lahat sa tinatawag na “conversion” o pagbabalik-loob, lalo’t ang mga kalamidad na nararanasan natin ay kadalasang bunga ng kapabayaan, pagkukulang, at pagkasira — hindi lamang ng kalikasan, kundi ng mga tao.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Jubilee Year, nanawagan ang arsobispo na gawing inspirasyon ang sakripisyo ni Kristo — isang pag-aalay ng sarili para sa kapwa, anuman ang kalagayan sa buhay.
“Sa gitna ng lahat ng ito, magpatuloy tayong maging mabait, mahabagin, at handang tumulong sa isa’t isa,” panawagan ni Archbishop Alarcon.
Sa huli, hinimok ng arsobispo ang bawat mananampalataya na makiisa sa sama-samang pagkilos — upang muling buhayin ang diwa ng malasakit, responsibilidad, at pananalig sa harap ng hamon ng kalikasan.
Sa loob ng halos isang linggo, tatlong magkakasunod na bagyo ang dumaan sa bansa na pinag-ibayo pa ng epekto ng hanging habagat, kung saan may 30 ang nasawi habang bilyong pisong halaga ng mga gusali, ari-arian at kabuhayan ang nasalanta.
(Veritas Intern Michael Encinas and Reports from Jing Manipol-Lanzona)