1,679 total views
Mga Kapanalig, sa Senate budget hearing noong nakaraang linggo, iniulat ni DPWH Secretary Vince Dizon na 22 silid-aralan lamang sa target na 1,700 ang naitatayo ng ahensya ngayong taon. Dalawang buwan na lang ang natitira bago matapos ang taon ngunit halos 1.3% pa lamang ang naitatayong mga classrooms. Dagdag pa ng kalihim, 822 na silid-aralan ang kasalukuyang itinatayo samantalang 882 ang hindi pa nasisimulan.
Ayon sa Department of Education (o DepEd), ang mabagal na implementasyon ng DPWH ay dahil sa mabigat na workload nito. Nakaapekto rin daw ang mabagal na paglabas ng pondo ng DPWH at pagbabago sa liderato ng ahensya. Pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (o ACT) Philippines, sinasalamin ng kakulangang ito ang tunay na prayoridad ng pamahalaan: habang bilyun-bilyon ang ibinuhos ng DPWH sa maanomalyang flood control projects, pinabayaan naman ang karapatan ng kabataan sa dekalidad na mga imprastrukturang pang-edukasyon. Anila, hindi lamang ito incompetence kundi criminal neglect.
Noong 2014, idineklara ni dating Pangulong Noynoy Aquino na hindi lamang binura ng DepEd ang classroom backlog na minana nito mula sa nakaraang administrasyon. Lumampas pa sa kinakailangang bilang ang mga naitayong silid-aralan. Pero sa datos ng Second Congressional Commission on Education (o EDCOM 2), mula 2014 hanggang 2024, tuluy-tuloy nang nabigo ang pamahalaan sa pag-abot ng taunang target sa pagtatayo ng silid-aralan. Noong 2018, inilipat mula sa DepEd ang mandatong magtayo ng mga silid-aralan sa DPWH. Simula noong naging sole implementing agency ng school building program ang DPWH, lumobo na sa 146,000 ang kulang na silid-aralan sa bansa. Hindi lamang nagkataon ang paglaki ng kakulangang ito kasabay ng mga maanomalyang infrastructure projects ng DPWH sa ilalim ng administrasyong Duterte at Marcos Jr. Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, “Malinaw na matinding pagpapabaya ito ng estado sa sektor ng edukasyon at sa karapatan ng kabataan sa dekalidad na edukasyon.”
Kaya naman, iniutos ng PBBM na ilipat ang paghawak ng pondo at pagtatayo ng silid-aralan sa mga local government units (o LGU) upang mapabilis ang implementasyon at mapunan ang classroom backlog sa buong bansa. Samantala, ang DepEd at DPWH naman ang susubaybay sa implementasyon nito. Maliban sa mga LGUs, binabalak din ng DepEd na makipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines Corps of Engineers, mga NGO, at pribadong sektor sa pagtatayo ng mga silid-aralan.
Sa isang conference noong 2024, idiniin ni Pope Francis na ang edukasyon ay karapatan—hindi pribilehiyo—ng bawat bata. Aniya, “Education is an act of hope for a better society.” Pero paano makakamit ng kabataan ang dekalidad na edukasyong magbibigay-daan sa maunlad na lipunan kung labis ang kakulangan sa mga silid-aralan? Paano matatamasa ng kabataan ang karapatan sa edukasyon kung libu-libong estudyante ang nagsisiksikan sa iilang mga silid o ‘di kaya sa covered courts at makeshift classrooms? Tungkulin ng pamahalaang itaguyod ang dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mamamayan. Higit pa sa paglipat ng responsabilidad sa pagtatayo ng mga silid-aralan, matugunan din dapat ang iba pang mga isyu sa sektor ng edukasyon gaya ng kakulangan sa mga guro, school personnel, textbooks, at teaching materials, pati na ang mababang sahod ng mga guro. Higit sa lahat, mapanagot dapat ang mga responsable sa kasuklam-suklam na katiwaliang hindi lang kaban ng bayan ang ninanakaw kundi pati ang kinabukasan ng kabataan.
Mga Kapanalig, ang pagkakaroon ng sapat, maayos, at ligtas na mga silid-aralan ay hindi lamang mahalaga sa pagtamo ng karunungan at magandang kinabukasan para sa mga kabataan. Gaya ng turo sa Mga Kawikaan 1:2-3, nagsisilbi rin itong tahanan ng mga aral sa matuwid, matapat, at makatarungang paraan ng pamumuhay—mga aral na higit na kailangang isabuhay ng ating mga lingkod-bayan.
Sumainyo ang katotohanan.




