1,457 total views
Ang Mabuting Balita, 23 Pebrero 2024 – Mateo 5: 20-26
PAGPAPAKITANG-TAO LAMANG
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.”
“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.
“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”
————
Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay isang napakabuting katangian. Ngunit, bakit sinabi ni Jesus na kung ang pagsunod natin sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos? Ito ay sapagkat ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ng mga eskriba at mga Pariseo, bagama’t napakahigpit, ang paggawa nila nito ay PAGPAPAKITANG-TAO LAMANG. Ang pagsunod nila ay hindi nagmumula sa kanilang mga puso.
Ito ay isang bagay na tayo bilang mga Kristiyano, ay kailangang maging mapanuri. Baka tayo ay katulad ng mga eskriba at mga Pariseo na nag-iisip, o pinagmamalaki na tayo ay mahigit na “moral” kaysa ibang tao, ngunit sa katunayan, ito ay PAGPAPAKITANG-TAO LAMANG. Ito ay ginagawa natin upang isipin ng iba na tayo ay mga BANAL. Sa salitang kalye, ito ang tinatawag na “Santong Kabayo.” Ano ang saysay nito? Ito ay LUBOS NA PAG-AAKSAYA NG ORAS. Isang araw, bigla na lang tayo namatay, at mawawala ng tuluyan ang pagkakataong maging tunay na mabuti. Isang malaking trahedya!
Panginoon, gawin mong dalisay ang aming puso, bunga ng pagmamahal sa iyo!