20,151 total views
Isinusulong ni House Speaker Faustino Dy III ang dalawang panukalang batas ng House of Representatives na layong labanan ang korapsyon at palakasin ang pananagutan sa pamahalaan.
Sa kaniyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon, kabilang sa isusulong na panukala ay ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICI) Bill ay magtatatag ng independiyenteng komisyon na mag-iimbestiga at mag-uusig sa mga sangkot sa anomalya o ghost projects, partikular sa flood control programs.
Gayundin, ang Anti-Dynasty Bill, na layong malinaw na tukuyin ang “political dynasty” sa Konstitusyon.
Ayon kay Dy, layunin ng batas na ito na itaguyod ang patas na kompetisyon at nang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng pagkakataon na makapaglingkod sa pamahalaan.
Una na ring inamin ng mambabatas na ang kanyang pamilya ay bahagi rin ng matagal na paglilingkod sa gobyerno kung saan may 16 sa kaniyang pamilya ay nasa pamahalaan.
“Kaya’t samahan ninyo akong isulong natin ang isang panukalang batas na magbibigay ng malinaw at makatarungang depinisyon ng “political dynasty”—isang depinisyon na tapat sa diwa ng ating Saligang Batas at nakatuon sa pagpapalakas ng ating demokrasya.”
“Ang layunin nito ay hindi upang hadlangan ang sinuman, kundi upang palawakin ang pagkakataon para sa mas maraming Pilipino na makapaglingkod at makibahagi sa pamahalaan,” ayon sa pinuno ng Kamara.
Aniya, ang dalawang panukala ay konkretong hakbang ng Kamara para muling maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Ang dalawang panukalang batas ay itinuturing na tugon sa patuloy na hinaing ng publiko laban sa katiwalian at sa pangmatagalang isyu ng political dynasty sa bansa.
Binanggit din ni Dy na ang hakbang ay bilang tugon na rin sa hamon ng simbahan sa mga opisyal ng pamahalaan.
“Sa mensahe ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines nitong mga nakaraang araw, malinaw ang paalala: magmuni, magnilay-nilay, at higit sa lahat, maging tuwid. Ang mensaheng ito ay hamon para sa bawat isa sa atin sa pamahalaan—na ang tunay na reporma ay hindi nasusukat sa dami ng ating ipinapangako, kundi sa epekto at bisa ng ating mga isinasagawang programa,” ayon pa ay Speaker Dy.




