4,232 total views
Nakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagluluksa ng Filipino community sa Vancouver, Canada kasabay ng trahedyang naganap sa selebrasyon ng Lapu-Lapu Festival.
Sa ginanap na press briefing sa Malacañang, kinumpirma ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa pamamagitan ng embahada ng Pilipinas sa Canada ang pagkasawi ng 11 mga Filipino na dumalo sa pagdiriwang, na ang pinakabata ay nasa limang taon at ang pinakamatanda ay 65 taong gulang.
“On a day meant to honor the courage of Lapu-Lapu, our kababayans in Vancouver became victims of an unspeakable tragedy,” pahayag ng Pangulo. “As your President, and as a father, I share in your grief and your anguish. The lives lost will not be forgotten,” ayon sa pahayag ng Pangulo.
Ayon pa sa Pangulo, “On this solemn occasion, the Filipino people stand together in mourning, in prayer, and in unwavering support,” dagdag ni Pangulong Marcos. “We will do everything in our power to bring comfort, to bring help, and to honor their memory with action.”
Ang trahedya ay nagdulot ng matinding lungkot sa komunidad ng mga Filipino sa Vancouver, at naganap sa araw ng selebrasyon para kay Lapu-Lapu, ang bayani ng Pilipinas na kilala sa paglaban sa mga dayuhang mananakop.
Inatasan na rin ng Pangulo ang mga diplomat at kawani ng embahada sa Vancouver upang tiyakin ang agarang tulong para sa mga biktima at upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Canada. “We have given specific instructions to our diplomats and staff in Vancouver to extend assistance to the victims and coordinate with Canadian authorities properly,” ani Pangulong Marcos.
Hinihikayat din ng Pangulo ang publiko na manatiling mahinahon at maging mapagmatyag sa kabila ng trahedya. “I encourage everyone concerned to keep calm but remain vigilant.”
Sa kabila ng pagluluksa, patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong at suporta sa mga naapektuhang pamilya, na nagbibigay ng pag-asa sa komunidad ng mga Filipino sa Vancouver.
Sa ulat, naganap ang insidente noong Abril 26, 2025, nang isang sasakyan ang pumasok sa isang bahagi ng kalsada sa Vancouver, Canada, kasabay ng Lapu-Lapu Festival, na ikinasawi ng 11 tao at ikinasugat ng higit sa 20.
Inaresto ang suspek at nahaharap sa kasong ‘murder’.