2,530 total views
Naniniwala si Rev. Fr. Ben Alforque, MSC – founding member ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) na hindi ganap na naibahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tunay na kalagayan ng taumbayan sa kanyang ikalawang pag-uulat sa bayan.
Inihayag ng Pari na hindi ganap na naibahagi ng Pangulo ang tunay na sitwasyon na kinahaharap ng taumbayan kabilang na ang patuloy na pagtaas ng presyo at serbisyo, mataas na unemployement rate, at mababang pasahod sa sektor ng paggawa.
Pinuna din ni Fr. Alforque ang hindi pagtalakay ni Pangulong Marcos sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa at patuloy na nagaganap na kawalang katarungan sa lipunan kabilang na ang patuloy na red-tagging, massacre, abductions at enforced disappearances.
“He did not address the people’s situation: experience of high prices of commodities side-by-side with joblessness and low wages. Nothing was said of justice and human rights violations and people red-tagged, massacred, and killed, jailed as political prisoners, forced to disappear and forced to keep silent.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Alforque.
Ayon sa Pari, maituturing na pagsisinungaling ang hindi pagtalakay at hindi pagsasabi ng tunay na sitwasyon ng bansa lalo na para sa mga mahihirap na dumaranas ng kawalan ng katarungan at umaasa sa pangakong magandang buhay at kasaganahan.
“To the poor he lies by not directly addressing their life, welfare and rights and participation in social construction.” Dagdag pa ni Fr. Alforque.
Dismayado din ang Pari sa hindi pagtalakay ng Pangulo sa patuloy na pagkakakulong ni dating Senador Leila de Lima, ang patuloy na mga kaso ng karahasan dulot ng kampanya laban sa illegal na drogra, ang isasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa War on Drugs sa bansa at ang iba’t ibang mga mapanirang gawain na nakasisira sa kalikasan.
“Junior’s circle, his world do not want to talk of their existence: Leila de Lima’s continuing imprisonment, continuing tokhang victimization, ICC prosecution, destruction of the environment through mining and logging and other extractive forms of exploiting our natural resources. He refused to acknowledge their existence.” Ayon pa kay Fr. Alforque.
Sa datos ng Social Weathers Station sa pagtatapos ng taong 2022, 32% ng mga mamamayan sa Metro Manila ang nagsasabi na sila ay mahirap, 49% naman sa Luzon, 58% sa Visayas at 59% naman sa Mindanao.
Sa pagtataya naman ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa loob lamang ng isang buong taong ng pamamahala ni Pangulong Marcos Jr. ay umaabot na sa 407 ang mga kaso ng human rights violations sa bansa na kinabibilangan ng pagpaslang, illegal arrests, pambobomba, at militarisasyon sa ilang mga probinsya sa bansa.