2,002 total views
Magpapadala ng tig-P200,000 tulong ang Caritas Manila sa apat na diyosesis sa Northern Luzon na lubhang apektado ng Bagyong Egay.
Ito ang paunang tulong ng social arm ng Archdiocese of Manila sa Arkidiyosesis ng Tuguegarao, Cagayan at Nueva Segovia, Ilocos Sur; at Diyosesis ng Laoag, Ilocos Norte at Bangued, Abra.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Tuguegarao Social Action Director Fr. Andy Semana, higit na naramdaman ang hagupit ng bagyo sa bayan ng Abulug, Cagayan at sa mga islang kabilang sa Babuyan Islands lalo na sa Calayan, Camiguin, at Fuga.
Patuloy namang nagsasagawa ng assessment ang Arkidiyosesis upang matukoy ang mga naging pinsala at kabuuang bilang ng mga nagsilikas na pamilya sanhi ng kalamidad.
“Maraming mga families na talagang affected ni Bagyong Egay. Abulog po ‘yung maraming nagsilikas because of flooding.” ayon kay Fr. Semana sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon naman kay Greg Turqueza ng Diocese of Bangued Social Media Apostolate, unti-unti nang bumubuti ang lagay ng panahon sa Abra, bagama’t nag-iwan ito ng malaking pinsala sa kapaligiran.
“Thanks God, wala na po ‘yung malalakas na hangin at ulan. Walang kuryente province wide, I believe, and communications are unstable… And yes, malala po damages ng bagyo.” ayon kay Turqueza.
Kasalukuyan namang hinihintay ang initial assessment sa Apostolic Vicariate ng Tabuk at Bontoc-Lagawe, Diocese of Baguio, at Prelature of Batanes na nakaranas din ng malaking pinsala mula sa Bagyong Egay.
Naunang ipinag-utos ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagkakaroon ng second collection para sa mga naapektuhan ng bagyo.