4,335 total views
Ikinagalak ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang desisyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na gawing National Shrine ang Diocesan Shrine and Parish of Saint Therese of the Child Jesus sa Mayamot Antipolo City.
Sa isinagawang 130th plenary assembly ng CBCP nitong July 5, 2025 sa Anda Bohol, nagkasundo ang mga obispo na gawing pambansang dambana ang nasabing simbahan.
Ayon kay Bishop Santos bukod sa titulo kaakibat ng pag-angat ng estado ng simbahan ang mas malawak at malalim na misyong gagampanan na makatutulong sa paglago ng pananampalataya ng mga Pilipino.
“The elevation of the Parish Church of Saint Therese of the Child Jesus into a National Shrine is not simply a change of title – it is a deepening of purpose, a maturing of mission, and a sanctification of space for generations to come,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Sinabi ng obispo na layunin ng pag-angat ng simbahan bilang national shrine na mas mapalawak ang misyon ng Saint Therese sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ito ang ikalawang national shrine ng Diocese of Antipolo na ayon sa obispo na panibagong simula ng pagpapatatag ng debosyon ng mga Pilipino at higit na mailapit sa Panginoon.
“This elevation is not an end, but a beginning, one that will build upon years of devotion, deepen the spiritual life of the faithful, and beacon for contemplative mission across the Philippines. Rooted in prayer and aligned with the universal church, we are committed to stewarding this shrine with humility and reverence,” ayon kay Bishop Santos.
Pangunahing batayan sa national shrine status dapat naitalagang diocesan shrine ang isang simbahan na may matatag na paghuhubog sa pananampalatya.
Ang mga national shrine ay kinikilala batay sa kahalagahan sa kasaysayan, kultura at higit sa espiritwal na aspeto ng lipunan.
Taong 2002 nang pangunahan ni noo’y Antipolo Bishop Crisostomo Yalong ang pagtatag ng dambana na itinalaga sa kay Saint Therese alinsunod sa mga gawain ni St. Francis Xavier Parish ang mother parish ng dambana.
Noong October 2003 nagsagawa ng pilgrimage ang 17 indibdiwal sa Lisieux, France kung saan sa kanilang pagbalik ay bitbit ang primary relic ni St. Therese.
December 2003 naman ng pormal na itinalaga ni noo’y Antipolo Bihsop Gabriel Reyes ang simbahan bilang parokya habang 2005 sinimulan ang pagtatayo ng simbahan sa kasalukuyan nitong lugar sa Mayamot, Antipolo City.
September 1, 2011 nang italaga ni Bishop Reyes ang dambana bilang diocesan shrine.