63,795 total views
July 17, 2020-12:48pm
Pinangunahan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Mount Carmel noong ika-16 ng Hulyo sa Project 6, Quezon City.
Inilarawan ng Obispo ang kapistahan na hindi pangkaraniwan sapagkat ang lahat ay nakasuot ng facemask, at pinananatili ang social distancing sa lahat ng mga dumalo sa banal na misa.
Labis pa rin ang pasasalamat ng Obispo dahil nagkakatipon nang muli ang mga mananampalataya.
“Ibang-iba po ito dahil first time akong magmisa dito naka facemask, kasi everytime I come here hindi facemask, faith mask. Ibig sabihin sa puso aking nakikita nag-aalab ang inyong pananampalataya at laging hinihintay ang mensahe ng salita ng Diyos.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Ongtioco.
Binigyang diin naman ng Obispo sa kan’yang pagninilay na sa kabila ng krisis na dulot ng COVID-19, nawa ay matularan ng mga mananampalayata ang ipinakitang pagtitiwala ni Maria sa Panginoon.
Aniya, ipinamalas ng Mahal na Birhen ang pagiging tapat at masunurin sa gitna ng pagharap sa maraming pagsubok.
“Sa kan’ya makikita natin kung paano tayo dapat manatiling tapat sa gitna ng mahigput na pagsubok, lalong-lalo na po itong panahon ng pandemya. Dapat matibay, malalim ang ating pananampalataya sa pagmamahal ng Diyos,” pahayag ng Obispo.
Ipinaalala niya na kahit dumaranas ng hirap ang buong mundo ay nananatiling umaapaw, at hindi nagmamaliw ang pag-ibig ng Panginoon para sa lahat.
“God’s love is abundant, God’s love is stable, God’s love is inclusive,” dagdag pa ni Bishop Ongtioco.
Sa pagtatapos ng pagninilay, nilinaw ng Obispo na ang pandemyang COVID-19 ay hindi kagustuhan ng Panginoon, at kailan man ay hindi nanaisin ng Diyos ang anu mang makasasama sa tao.
Ang banal na misang ginanap sa Our Lady of Mount Carmel Parish sa Project 6, Quezon City ang unang Fiesta Mass na pinangunahan ni Bishop Ongtioco.
Ito ay matapos pahintulutan ng Inter-agency Task Force ang pampublikong banal na misa subalit limitado sa 10-porsyento ng kabuuang kapasidad ng simbahan ang makadalo sa pagtitipon.