16,911 total views
Naglabas ng tsunami warning ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa karagatan ng Davao Oriental matapos ang naitalang magnitude 7.6 na lindol na tumama sa bayan ng Manay pasado alas-9:43 ngayong umaga ng Biyernes, October 10, 2025.
Batay sa pagtataya ng Phivolcs, posibleng maranasan ang tsunami na may taas na hindi bababa sa isang metro sa mga baybayin sa mga susunod na oras.
Pinaaalalahanan ang publiko lalo na ang mga residente na iwasan muna ang pagpunta sa mga beach at dalampasigan partikular na sa Eastern Samar, Southern Leyte, Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental.
Hinihikayat din ang mga residente sa mga baybaying nasasakupan ng mga nabanggit na lugar na pansamantalang lumikas sa mas mataas na lugar hanggang sa bawiin ng PHIVOLCS ang babala.
Ipinapanalangin naman ng Simbahan ang kaligtasan ng lahat upang ipag-adya sa anumang panganib mula sa banta ng anumang sakuna.




