13,528 total views
Nanawagan ang Archdiocese of Manila sa lahat ng parokya at kura paroko sa buong arkidiyosesis na makiisa at magpakita ng malasakit sa mga nakatakdang Second Collection na isasagawa ngayong buwan ng Oktubre.
Alinsunod sa inilabas na RCAM Circular No. 2025-03 at sa itinakdang listahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay pinaalalahanan ng pamunuan ng arkidiyosesis sa pamamagitaan ni Chancellor Rev. Fr. Carmelo Arada Jr. ang bawat parokya na makibahagi sa gawain.
Nasasaad sa abiso ang muling paalala sa mga pari para sa mga nakatakdang second collection ngayong buwan ng Oktubre.
Hinimok din ng Archdiocese of Manila ang mga kura paroko na himukin ang mga mananampalataya na magbigay nang may bukas na puso at diwa ng pagkakawang-gawa bilang tanda ng pakikiisa sa mga katutubo, misyonero, bilanggo, at mga naglilingkod sa mga piitan.
“We request that you encourage your parishioners to generously contribute to the said collections as an expression of support to our indigenous peoples, missionaries, prisoners, and prison pastoral care ministers.” Bahagi ng abiso ng RCAM.
Nakatakda an pagsasagawa ng second collection ng Simbahan ngayon buwan ng Oktubre sa:Indigenous People’s Sunday – Oktubre 11 at 12, 2025, para sa kapakanan ng mga Katutubong Pilipino;World Mission Sunday – Oktubre 18 at 19, 2025, para sa mga gawain ng misyon at ebanghelisasyon;Prison Awareness Sunday – Oktubre 25 at 26, 2025, para sa mga bilanggo at sa mga tagapaglingkod ng Prison Pastoral Care.
Ipinaalala rin ng Archdiocese of Manila na ang mga makakalap na koleksyon ay kinakailangang maipadala sa Treasury Department ng Arzobispado de Manila sa loob ng labinlimang (15) araw matapos ang itinakdang petsa ng bawat kolekta.
Layunin ng pagsasagawa ng second collection ng Simbahan na patuloy na maitaguyod ng Simbahang Katolika ang mga programang nakatuon sa evangelization, social justice, at pagkalinga sa mga nasa laylayan ng lipunan.




