1,713 total views
Nangangamba ang Coordinating Council of Private Educational Associations o COCOPEA sa epekto ng panukalang total ban sa “No permit, no Exam policy” sa mga pribadong paaralan sa bansa.
Nananawagan si COCOPEA spokesperson Atty. Kristine Carmina Manaog sa mga mambabatas na isaalang-alang ang pagkakaroon ng balanse sa kapakanan ng mga private school at estudyante upang makamit ang dekalidad na edukasyon.
Inihayag ni Manaog na maraming pribadong paaralan ang magsasara ng operasyon kapag naisabatas ang House Bill No.7584 at Senate Bill No.1359 o total ban ng ‘No Permit, No Exam Policy’.
Tinukoy ni Manaog ang pinakabagong pag-aaral ng COCOPEA sa 27-pribadong paaralan na aabot lamang sa hanggang pitong buwan ang pondo ng private school administrations upang mapatakbo ang kanilang mga paaralan.
Ipinaliwanag ng tagapag-salita ng COCOPEA na kapag naipatupad ang total ban sa “No Permit, no exam policy ay aabot na lamang ng 2-buwan ang pondo ng private schools upang maayos na mapatakbo ang kanilang mga paaralan.
“Sa long term makakaapekto dahil hindi kaya, if walang regular na pumapasok na pera or funds sa private schools maapektuhan ang quality nito and eventually baka talagang magsara,”paglilinaw ni ni Manaog sa Radio Veritas.
Tiniyak ni Manaog na kahit umiiral ang “No Permit, No Exam policy” ay nagbibigay pa rin ang mga private school ng pagkakataon sa mga estudyante na magbigay ng ‘promisary note’ upang pahintulutang makapagsulit.
“Yung talagang hindi pinapayagang hindi mag-exam na students is very rare and last resort nalang kung talagang very delinquent yung student or parents, but yung kadalasang practice naman talaga is pinapag-exam or pinapayagang mag-exam basta may promisary note,” bahagi pa ng panayam kay Manaog.
Naunang nananawagan ang Catholic Educational Association of The Philippines (CEAP) sa mga mambabatas na pag-aralang mabuti ang pagsasabatas ng SB No.1359 at House Bill No.7584 dahil nakasalalay sa pagbabayad ng matrikula ng estudyante ang pondong ginagamit ng mga private catholic schools sa pagpapasuweldo ng mga guro at iba pang operational costs.
Sa datos, aabot sa 2,500-private schools ang kasapi ng COCOPEA habang aabot naman sa 1,500 ang miyembro ng CEAP.