Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Mayo 18, 2025

SHARE THE TRUTH

 608 total views

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)

Mga Gawa 14, 21b-27
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Pahayag 21, 1-5a
Juan 13, 31-33a. 34-35

Fifth Sunday of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 14, 21b-27

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon: Nagbalik sina Pablo at Bernabe sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia ng Pisidia. Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya. “Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos,” turo nila sa kanila. Sa bawat Simbahan, humirang sila ng matatandang mamamahala, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito’y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinananaligan.

Tinahak nila ang Pisidia, at nakarating ng Panfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antiquia. Dito sila nagsimula ng gawaing ginanap nila matapos silang itagubilin sa pagkakalinga ng Diyos.

Pagdating doon, tinipon nila ang mga kaanib ng Simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang daan upang makapanampalataya ang mga Hentil.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

o kaya: Aleluya!

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingi niya ay mamamalagi.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Magpupuring lahat sa iyo, o Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihan ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 21, 1-5a

Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Akong si Juan ay nakakita ng isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa; wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, bumababang galing sa langit buhat sa Diyos, gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Makakapiling nila nang palagian ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ni Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 13, 31-33a. 34-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Pagkaalis ni Judas mula sa Huling Hapunan, sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Ang tapat at isinasabuhay na pag-ibig sa kapwa ang siyang marapat maging tatak ng ating mga pamayanan at ng bawat isa sa atin. Sapagkat ito’y hindi madaling gawin, buong tiwala nating hilingin ang tulong ng Panginoon. Manalangin tayo:

Panginoon, turuan mo kaming magmahal!

Nawa patuloy na itaguyod ng Simbahan ang pagmamahal ni Kristo sa lahat ng mga pagpa- pahalaga. Manalangin tayo!

Nawa mabigyang-inspirasyon tayo ng Santo Papa at ng lahat ng pinuno ng Simbahan na isang buhay na naaayon kay Kristo. Manalangin tayo!

Nawa ang ating mga pamayanang Kristiyano ay maaaring umangat sa mga nangingibabaw na saloobin ng kawalang-interes, pagkamakasarili, at paghihiganti. Manalangin tayo!

Nawa mapatawad natin ang mga nagkasala sa atin at huwag magtanim ng sama ng loob at paghihiganti. Manalangin tayo!

Nawa’y hindi tayo magkulang sa pagpapakita ng mapagmahal na pagmamalasakit sa ating kapwa, lalo na sa mga maysakit, mahihirap, at mga nasa laylayan ng lipunan. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: upang sa pamamagitan ng paggawa, ang bawa’t isa ay makapag kamit ng tunay na tagumpay, at bawa’t pamilya ay maitaguyod sa dangal
at ang lipunan ay lumago sa diwa ng tunay na pagkatao ayon sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!

Panginoong Hesukristo, gawin mo kaming maawain, bukas-palad, at mapagpatawad, at sa gayo’y tumulad sa iyong isinilang, nabuhay, at namatay dahil sa pag-ibig sa amin, at ngayon ay patuloy na nagmamahal at nagmamalasakit magpakailanman. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Bukal ng tubig, bukal ng buhay

 23,672 total views

 23,672 total views Mga Kapanalig, ramdam na ramdam natin ang tindi ng summer heat! Kapag summer, talagang masarap maligo at uminom ng pampalamig, mapawi lang ang

Read More »

Mga hakbang pagkatapos ng halalan

 36,414 total views

 36,414 total views Mga Kapanalig, isang halalan na naman ang nairaos natin. Ikinatuwa o ikinadismaya man natin ang resulta, paano kaya tayo maaaring umusad pagkatapos nito?

Read More »

May magagawa tayo

 56,338 total views

 56,338 total views Mga Kapanalig, Eleksyon 2025 na! Ayon sa Republic Act No. 7166, dapat isagawa ang isang halalan bawat tatlong taon. Ang partikular na eleksyon

Read More »

Transport Reforms

 61,909 total views

 61,909 total views Kapanalig, hindi pa natatapos ang problema sa road rage… nadagdag na naman ang magkasunod na deadly road tragedies. Sa mga kaso ng road

Read More »

Functional Literacy Crisis

 68,491 total views

 68,491 total views Nakakabahala ito Kapanalig, nahaharap ang Pilipinas sa kasalukuyan sa “Functional literacy crisis”. Hindi katanggap-tanggap sa isang magulang na napabilang ang kanyang anak sa

Read More »

Watch Live

RELATED READINGS

Lunes, Mayo 19, 2025

 4 total views

 4 total views Lunes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 14, 5-18 Salmo 113 B, 1-2. 3-4. 15-16 Dapat nating papurihan ang pangalan

Read More »

Sabado, Mayo 17, 2025

 1,121 total views

 1,121 total views Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 44-52 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Kahit saa’y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.

Read More »

Biyernes, Mayo 16, 2025

 1,636 total views

 1,636 total views Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 26-33 Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11 Anak ng Diyos kailanman sa

Read More »

Huwebes, Mayo 15, 2025

 2,234 total views

 2,234 total views Paggunita kay San Isidro Labrador, magsasaka Mga Gawa 13, 13-25 Salmo 88, 2-3. 21-22. 25 at 27 Pag-ibig mong walang maliw ay lagi

Read More »

Miyerkules, Mayo 14, 2025

 2,747 total views

 2,747 total views Kapistahan ni Apostol San Matias Mga Gawa 1, 15-17. 20-26 Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8 Hinirang ng D’yos ay dinangal sa piling

Read More »

LATEST NEWS

Scroll to Top