2,829 total views
Miyerkules sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Isaias 49, 8-15
Salmo 144, 8-9. 13kd-14. 17-18
Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.
Juan 5, 17-30
Wednesday of the Fourth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 49, 8-15
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Sa araw ng pagliligtas sa iyo
ay lilingapin kita,
at tutugunin ang paghingi mo ng saklolo.
Babantayan kita at iingatan;
sa pamamagitan mo’y
gagawa ako ng tipan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay walang kaayusan.
Palalayain ko ang nasa bilangguan
at bibigyan ng liwanag ang nasa kadiliman.
Sila’y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa magandang pastulan.
Hindi sila magugutom ni mauuhaw.
Hindi rin daranas
ng matinding init ng sikat ng araw at sa disyerto
sapagkat papatnubayan sila noong isa
na nagmamahal sa kanila.
Sila’y ihahatid niya sa bukal ng tubig.
Gagawa ako ng lansangan sa gitna ng mga bundok
at ako’y maghahanda ng daan,
para siyang daanan ng aking bayan.
Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayun din sa Sevene sa timog.”
Kalangitan umawit ka!
Lupa, ikaw ay magalak,
gayun din ang mga bundok,
pagkat inaaliw ng Panginoon
ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahabagan.
Ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ng Panginoon.
nakalimutan na niya tayo.”
Ang sagot ng Panginoon,
“Malilimot kaya ng ina
ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal?
Kung mayroon mang inang
lumilimot sa kanyang bunso,
Ako’y hindi lilimot sa inyo
kahit na sandali.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 13kd-14. 17-18
Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.
Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit na ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 11, 25a. 26
Pagkabuhay ako’t buhay,
nabubuhay na sinumang
ako’y pinananaligan
ay di mapapanaigan
ng kamatayan kailanman.
MABUTING BALITA
Juan 5, 17-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Ang aking Ama’y patuloy sa paggawa, at gayun din ako.” Lalong pinagsikapan ng mga Judio na patayin siya, sapagkat nilabag na niya ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga ay sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayo’y ipinapantay ang sarili sa Diyos.
Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus, “Dapat ninyong malaman na walang ginagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang ginagawa lamang niya’y ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at ipinakikita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga ito ang mga gawang ipakikita sa kanya ng Ama at manggigilalas kayo. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayun din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama. Ibinigay niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang parangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagsugo sa Anak.
“Sinasabi ko sa inyo: ang nakikinig sa aking salita at nananalig sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi inilipat na sa buhay mula sa kamatayan. Tandaan ninyo: darating ang panahon – ngayon na nga – na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. Ang Ama ang may kapangyarihang magbigay-buhay at ang Anak ay binigyan niya ng kapangyarihang magbigay-buhay. Binigyan din siya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila’y muling mabubuhay at lalabas sa kinalilibingan nila. Lahat ng gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama ay parurusahan.”
“Wala akong ginagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Miyerkules
Habang inilalapit natin ang ating mga kahilingan sa dambana ng Diyos, hingin natin ang lakas at pananampalataya upang makasunod sa kanyang kalooban.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, Ikaw ang lahat sa amin.
Ang Simbahan nawa’y maging gabay ng kanyang mga kasapi sa daan ng kabutihan at dalhin sila sa pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang talikuran ang kasalanan nang buong puso at maging masunurin sa mga batas ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng nagdaranas ng pagsubok at pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya nawa’y magtiyaga at magtiwala sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang masundan ang halibawa ni Jesus at makiayon tayo sa kalooban ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatanggap ng ipinangako ng Diyos na buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming iayon ang aming sariling kalooban sa iyong kalooban upang makapamuhay kami sa paraang ninanais mo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.