4,391 total views
Nagpahayag ng pasasalamat ang himpilan ng Radyo Veritas sa lahat ng mga dumalaw at nakibahagi sa Mary and the Eucharist Exhibit.
Ayon kay Radio Veritas Religious Department head Renee Jose, mahalaga ang sama-samang pakikilakbay at pagninilay ng mga dumalo sa Mary and the Eucharist Exhibit upang higit na maunawaan ang mahalagang papel ni Maria at ng mga santo sa pananampalatayang Katoliko at sa walang hanggang biyaya ng Eukaristiya sa bawat Kristiyano.
Pagbabahagi pa ni Jose, maituturing na biyaya rin ang naganap na exhibit upang makapagbigay ng inspirasyon sa pananampalataya ng marami.
“Lubos ang aming pasasalamat sa lahat ng nakiisa at sumuporta sa matagumpay na Mary and the Eucharist Exhibit. Sa pamamagitan nito, muling naipadama ang malalim na debosyon kay Maria at ang kanyang paggabay tungo sa Banal na Eukaristiya. Tunay na naging biyaya ang exhibit na ito na nagbigay-inspirasyon sa pananampalataya ng marami. Nawa’y patuloy tayong maging saksi ng pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ni Maria.” Bahagi ng pahayag ni Jose sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Jose na hindi nagtatapos sa nagdaang Mary and the Eucharist Exhibit ang misyon ng himpilan sa pagpapalaganap ng pananampalataya, debosyon at mas malalim na pagkilala sa Mahal na Birheng Maria, sa mga santo at sa Diyos.
Kaugnay nito, inihayag ni Jose ang magkakaroon pa ng susunod na Marian Exhibit ng himpilan ng Radyo Veritas sa Fishermall Malabon na nakatakda naman sa October 1 – 15, 2025.
Una ng inihayag ni Rev. Fr. Roy Bellen, pangulo ng himpilan, mahalagang pagkakataon ang naturang exhibit upang mapagnilayan ang kahalagahan ng Eukaristiya sa tulong ng Mahal na Birheng Maria at mga banal lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng mundo na hinahamon ng korapsyon, digmaan, at pagkakahati-hati ng lipunan.
Ayon sa Pari, layunin ng exhibit na isulong ang mas malalim na debosyon sa Banal na Eukaristiya at palakasin ang misyon ng Radyo Veritas bilang katuwang ng Simbahan sa pagsusulong ng new evangelization.
Tampok sa naganap na Mary and the Eucharist Exhibit sa Fisher Mall, Quezon City mula noong ikatlo hanggang ika-11 ng Setyembre, 2025 ang mahigit sa 100 imahe ng Mahal na Birheng Maria sa iba’t ibang titulo, gayundin ang mga banal na kilala sa kanilang debosyon sa Eukaristiya, kabilang sina Padre Pio, Blessed Carlo Acutis, at St. Tarcisius of Rome, at marami pang iba.