244 total views
Isa sa mga sektor na lubhang naapektuhan ng pandemya ay ang sektor ng turismo. Sa buong mundo, halos nag-collapse ang turismo dahil sa mga mobility restrictions bunsod ng COVID-19.
Ayon nga sa UN World Tourism Organization (UNWTO), mga 60-80% ang binaba ng mga international arrivals nitong 2020 at milyong milyong trabaho ang nawala sa buong mundo. Sa ating bansa, bumaba ng 77.9% ang kita mula sa inbound tourism. Ayon pa sa ILO, nawala ang mahigit 28% ng mga trabaho sa tourism sector sa ating bansa noong 2020 dahil sa pandemya.
Kitang kita natin na ang turismo ng ating bansa, kapanalig, ay kailangang maka-ahon na. Umaasa tayong ngayong 2022, makakabawi na sana ang sector. Kaya lamang, malaki naman ang naging epekto ng gyera sa Ukraine sa ating bansa – sobra sobra kapanalig, ang pagtaas ng krudo, na siguradong malaki ang impact sa ating turismo. Maliban sa gyera, ang mga nagdaang bagyo, gaya ng Odette, ay malaking pinsala din ang dinala sa mga tourist sites gaya ng sa Siargao at Palawan.
Sa mga pangyayaring ito, nakikita natin na lubhang bulnerable ang sector ng turismo. Paano ba nating magagawang resilient ang sector na ito?
Isa sa maaring gawin ng ating tourism sector ay ang pagtaas ng kahandaan sa mga sakuna at paglinang ng kakayahan ng mga mamamayan at manggagawa sa pagma-manage ng mga risks na dala nito. Para magawa ito, kailangang maunawaan ng mga kawani at mga kalahok sa sektor ang konsepto ng disaster risk. Kailangan din nila kilalanin o i-identify ang mga kritikal na investments o imprastraktura na pwede nilang itaguyod para maging mas resilient ang mga tourist attractions ng bayan. Katuwang nito lagi, kapanalig, ang pangangalaga sa kalikasan.
Kailangan din natin ma-maximize ang teknolohiya- magamit natin ang mga ito para sa mga new models of transactions – para mas mabilis at mas madali ang trabaho, at tiyak ang kalitagtasan ng lahat, lalo ngayong panahon pa rin ng pandemya. Mahalaga din kapanalig, ang mga alyansa at partnerships, mapalokal man o international, upang mapayabong pa lalo ang turismo at ang pagkilala sa kultura ng ibang lugar o bansa sa pamamagitan nito.
Para sa mga bansa gaya ng Pilipinas, ang resilient at sustainable tourism ay isa sa pinakamahalagang sangkap ng muling pagbangon mula sa pagkalugmok ng ating ekonomiya. Mahalaga na matiyak natin na mas matatag ang sektor na ito ngayong muli na namang nagbubukas ang ating bansa sa lokal at international na turista. Nakabubuti ito para sa lahat, at nagsusulong ito hindi lamang ng kaunlaran, kundi ng panlipunang katarungan. Sabi nga sa Mater et Magistra: Ang gawaing pang-ekonomiya ay pinapatupad sa ngalan ng pagmamahal sa kapwa at ng katarungan.
Sumainyo ang Katotohanan.