224 total views
Kapanalig, nakaka-alarma at nakakalungkot, hindi ba, ang mataas na bilang ng casualty o injured kada may sakuna?
Noong 2015, ang UNESCAP ay naglabas ng pag-aaral ukol sa mga mga disasters na naranasan ng Asya at ng Pasipiko at kung gaano ba kalawak ang pinsala na dinala ng mga ito.
Ayon sa report, US$45.1 billion ang kabuuang halaga ng economic damage na dala ng mga tinatayang 160 sakunang dumalaw sa rehiyon. 16,046 ang namatay sa mga disasters na ito.
Ang earthquake o lindol ang may pinakamaraming casualties. Tinatayang mga 8,790 buhay ang kinuha nito sa Nepal
Nakita din ng pag-aaral na ito na baha ang karaniwang sakunang nararanasan ng mga bansa sa Asya at Pasipiko. Ang mga ito rin kasama ang mga ulan at bagyo ang nagdala ng pinakamalaking pinsala sa mga ekonomiya ng bansa sa rehiyon.
Ang mga sakunang ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng disaster risk reduction at management efforts pati ng rin ng humanitarian efforts.
Ibayong paghahanda talaga ang kailangan, kapanalig. Hindi na pupwede ang simpleng pagtatago lamang sa bahay. Sa ngayon, nakikita natin na binabaha na ang mga lugar na hindi naman dati binabaha. Nakikita rin natin na ang mga faultlines ay hindi na makita sa ibang lugar dahil ito ay natabunan na ng mga gusali at bahay.
Hindi lamang ingat ang kailangan dito kapanalig. Kailangan din nito ng maayos na pagpaplano at maayos na pagde-desisyon. Kailangan natin pag-aralan ang mga nagbabagong patterns ng ating klima, pati na rin ang pag-galaw ng mundo at kung paano natin maisasa-ayos ang ating mga syudad upang ito ay ligtas sa mga maaring maging malubhang epekto ng mga delubyo.
Kapanalig, ang maayos na paghahanda sa mga sakuna ay hindi lamang isang trabaho, o gawain na kasama sa ating checklist. Ang paghahanda sa sakuna ay isang act of love dahil sinasalba natin ang buhay ng kapwa mo, at sinisigurado mo na hindi sila masasaktan. Pinapakita natin dito ang kahalagan na binibigay natin sa buhay ng ating kapwa. Pinapakita natin dito na nakikita din ang mukha ni Kristo sa mukha ng mga bulnerable sa mga sakuna. Ayon nga kay dating Pope Benedict sa kanyang Deus Caritas Est: “Seeing with the eyes of Christ, I can give to others much more than their outward necessities; I can give them the look of love which they crave…”