3,089 total views
Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Conference of Major Superiors in the Philippines–Justice, Peace and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPICC) sa talamak na katiwalian sa bansa na tinawag nitong “endemic” at “scandalous theft of the people’s dignity” o tahasang pagnanakaw at pagtataksil sa dignidad ng taumbayan.
Sa panibagong pahayag na inilabas ng kapulungan noong ika-8 ng Setyembre, 2025 kasabay ng Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria, ay iginiit ng CMSP-JPICC na ang korapsyon ay hindi na lamang nananatili sa larangan ng pamahalaan kundi maging sa mga tahanan at lipunan.
Bilang tugon, nanawagan ang grupo sa mga relihiyosong komunidad, paaralan, at iba’t ibang organisasyon at samahan ng Simbahan na mariing ipahayag ang panawagan laban sa katiwalian at maging saksi ng pagbabago sa lipunan.
“In our recently concluded convention we declared “In our days together, we could not ignore the deep wound of corruption that bleeds our nation dry. We name it for what it is: a scandalous theft of the people’s dignity and a betrayal of the common good. We now urge our religious communities, schools and networks to turn our outrage into action. Let our prophetic witness be the leaven for true change in our lives and society.” Bahagi ng pahayag ng CMSP-JPICC.
Kabilang sa mga panawagan ng CMSP-JPICC ang paglalagay ng mga streamer sa mga kumbento, simbahan, paaralan at pamayanan na may mga mensaheng: “No to Corruption, Yes to Good Governance,” “Thou Shall Not Steal,” “Ang Kurakot ay Salot,” at “Pondo ng Bayan Hindi Para sa Iilan.”.
Gayundin ang paggamit ng social media upang ipalaganap ang pagtututol sa katiwalian sa pamahalaan; at pakikilahok sa mga kilos-protesta laban sa korapsyon at para sa katarungan.
Hinihikayat ng CMSP-JPICC ang lahat na sama-samang magsindi ng kandila tuwing alas-6 ng gabi bilang panalangin para sa pananagutan at mabuting pamamahala sa bansa.
Ayon sa kalipunan, ang patuloy na pagdarasal para sa bayan at paghingi ng pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria ay mahalagang ambag para sa kinabukasan at kapakanan ng bansa.
Nawa ayon sa CMSP-JPICC na ang mga maliliit na hakbang na ito ay maging bukal ng mas malawak na pagkilos at pagbagong panlipunan.
“May our little initiatives turn into a river of protest for change and conversion,” Ayon sa CMSP-JPICC.
Una ng inihayag sa ulat ng World Bank, Asian Development Bank, at International Monetary Fund noong 2024 na tinatayang ₱2 trilyon kada taon ang nawawala sa pamahalaan dahil sa katiwalian, bukod pa sa datos ni Senator Panfilo Lacson na halos ₱1 trilyon sa pondong inilaan para sa flood control projects sa nakalipas na dekada ay napunta lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at kumpanya.