1,728 total views
Muling inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na makibahagi sa pagdiriwang ng Season of Creation 2023.
Sa mensahe ni CBCP president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, muling sinasariwa sa panahong ito ang mahalagang tungkulin ng bawat isa sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Ayon kay Bishop David, ito ang pagkakataon upang higit na pagtuunan ang pagtugon sa lumalalang krisis sa klima ng daigdig.
“Our common responses to the climate emergency are truly becoming concrete occasions for the church to take our catholicity seriously in the sense of universality and inclusivity,” pahayag ni Bishop David.
Tinukoy ng obispo ang epekto ng patuloy na pagtangkilik at pamumuhunan sa maruming enerhiya tulad ng coal fired powerplants na naglalabas ng makakapal at maruming usok sa hangin.
Gayundin ang ibang mapaminsalang gawain na pumipinsala sa mga kagubatan, kabundukan, at karagatan, at nanganganib na hindi magisnan ng mga susunod na henerasyon kung hindi kikilos ang lahat.
Inihayag ng pangulo ng CBCP ang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa liham para sa World Day of Prayer for the Care of Creation na nais ng Diyos na manaig ang katarungan at kapayapaan hindi lamang sa lipunan, kun’di maging sa inang kalikasan.
“It is as essential to our life as water is essential for our physical survival. May our immersion in the waters of baptism and our rebirthing in the spirit as God’s children truly effect in us a profound ecological conversion that alone can make us true to our vocation and mission to heed the groaning of creation and work for the renewal of the face of the earth.” ayon kay Bishop David.
Pinuri naman ni Bishop David ang Laudato Si’ Movement Pilipinas sa pangunguna para sa ecumenical celebration ng Season of Creation.
Katuwang ng LSMP ang CBCP-Episcopal Commission on Ecumenical Affairs, National Council of Churches in the Philippines (NCCP), at Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), upang sama-samang maglakbay tungo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
“What better opportunity can there be for a genuine synodality than learning to collaborate with fellow Christians from other traditions and denominations in our care for our common home.” saad ng obispo.
Sinisimulan ang panahon ng paglikha sa pamamagitan ng World Day of Prayer for the Care of Creation na inilunsad ni Pope Francis noong 2015 tuwing unang araw ng Setyembre, at magtatagal hanggang Oktubre 4, kapistahan ng patron ng kalikasan na si San Franciso de Asis.
Tema ng Season of Creation 2023 ang “Let Justice and Peace Flow” na hango sa mga kataga ni Propeta Amos na “Let justice flow on like a river, righteousness like a never-failing stream”.