389 total views
June 27, 2020, 2:48PM
Umaapela ng pag-unawa at pakikipagtulungan si Archdiocese of Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona para sa mga pagbabagong ipatutupad sa nakatakdang paggunita ng Peñafrancia Festival 2020 sa buwan ng Setyembre.
Sa joint press conference na dinaluhan ng pamunuan ng arkidiyosesis at ng pamahalaang lunsod ng Naga sa pangunguna ni Naga City Mayor Nelson Legacion, inihayag ang mga pagbabago sa paraan ng paggunita sa Peñafrancia Festival.
Ayon kay Archbishop Tirona, bagamat tuloy ang paggunita ng Kapistahan ng Mahal na Ina ng Peñafrancia na bahagi ng kasaysayan ng pananampalataya sa Bicol region ay kinakailangang magpatupad ng mga pagbabago upang maging akma ang pagdiriwang na hinaharap ng bansa na COVID-19 pandemic.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang mga pagbabago ay hindi naglalayong maisantabi ang maalab na pagpapamalas ng pananampalataya ng mga deboto sa halip ay isang pagkakataon upang maging malikhain sa pagpapahayag ng debosyon sa kabila ng mga pagsubok.
“We are celebrating with the proper modification it does not mean that we are trying to lessen the intensity of our celebration, it is just we are trying to moderate and modify our external expression of this festivities and here in our modification this is where we see our creativity, if in the celebration we express our faith now with this modification we express our creativity and Bicolanos are definitely very creative…”pahayag ni Archbishop Tirona.
Ibinahagi ni Arcbishop Tirona ang pakikipagtulungan at pagsunod sa mga bagong panuntunan sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival ay isang paraan ng pagmamalasakit sa kapakanan ng kapwa.
Ayon sa Arsobispo, sa pamamagitan ng pagsasantabi sa mga nakagawiang pagpapamalas ng debosyon at pagtugon sa mga pagbabago bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng sakit ay matitiyak ang kapakanan at kabutihan ng mas nakararami.
“I appeal for our people, our faithful to listen to this we cooperate because in this cooperation we express our solidarity, we move away from our individualism, individual desire and longing even devotion and we would like to highlight the good the common good of all and that is the help of our community…”Dagdag pa ni Archbishop Tirona.
Kabilang sa mga inaasahan pagbabago mula sa nakagawiang paraan ng paggunita ng Peñafrancia Festival ay ang pagbabawal sa nakaugaliang pahalik sa poon at ang hindi pagsasagawa ngayong taon ng prosesyon kabilang na ang military parade at ang nakaugaliang Traslacion at Fluvial Procession.
Kanselado rin ang pagsasagawa ng mga malalaking aktibidad tulad ng mga trade fairs at ilan pang nakagawiang paraan ng pagdiriwang sa buong lalawigan bilang pag-ingat mula sa pagkalat ng COVID-19.
Tema ng Peñafrancia 2020 ang “Fostering Dialogue and Harmony in Spirit of Mary’s Gentleness and Humility” na isa ring paraan upang bigyang pugay at parangal ang 138-taong debosyon sa Divino Rostro at 310-taong debosyon naman sa Mahal na Ina ng Peñafrancia na siyang patron ng lalawigan.
Ipinagdiriwang ang Peñafrancia Festival na debosyon sa Mahal na Ina ng Peñafrancia at maging sa Divino Rostro o Holy Face of Jesus tuwing buwan ng Setyembre na dinadagsa hindi lamang ng mga mananamapalataya kundi maging mga turista.