7,244 total views
Hinimok ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang mga mananampalataya, lalo na ang mga magulang, na ipagdiwang ang darating na kapistahan ng mga banal at paggunita sa mga yumao nang may diwa ng kabanalan, hindi ng katatakutan.
Sa kanyang mensahe bago ang All Saints’ Day, pinaalalahanan ng arsobispo ang mga pamilya na iwasan ang mga nakakatakot na maskara at kasuotan tuwing Halloween, at sa halip ay hikayatin ang mga bata na tularan ang mga banal.
“I encourage our parents, teachers, and parish leaders: let us guide our children to dress as saints, not as demons; as angels, not as monsters. Let their joy reflect the beauty of holiness, not the ugliness of sin,” mensahe ni Archbishop Uy.
Ipinaliwanag ng arsobispo na ang Halloween, o All Hallows’ Eve, ay orihinal na ipinagdiriwang bilang bisperas ng kapistahan ng lahat ng mga santo na isang pagkakataon upang parangalan ang mga banal na namuhay nang tapat sa Diyos at ngayo’y kapiling sa langit.
Gayunman, ikinalungkot ni Archbishop Uy na sa paglipas ng panahon ay nagbago ang kahulugan nito dahil sa labis na komersiyalismo.
“Instead of celebrating light, goodness, and holiness, it has often turned into a glorification of darkness, fear, and evil,” aniya.
Panawagan ng arsobispo sa mga magulang at guro na turuan ang kabataan ng tunay na diwa ng kabanalan—ang pag-ibig at katapatan sa Diyos.
“Let us also teach our children that holiness is not boring, it is joyful! Saints were people who loved deeply, served faithfully, and lived courageously. If we want our children to have true heroes, let them look to the saints,” dagdag pa ni Archbishop Uy.
Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Santo, hinikayat ng arsobispo ang mga mananampalataya na isabuhay ang kabanalan sa kanilang mga tahanan, paaralan, at komunidad.
“Let us fill our communities not with fear, but with faith; not with masks of darkness, but with faces of kindness and love,” ayon pa sa kanya.
Ipinagkaloob ni Archbishop Uy ang kanyang basbas sa mga pamilya, lalo na sa mga kabataan, upang manatiling masigla at matapat sa pananampalataya.




