8,410 total views
Tiniyak ni Fr. Ibarra Mercado ang patuloy na pagpapalaganap ng tunay na diwa ng Paskong Pagsilang ni Hesukristo na paalala sa kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa kasaysayan at sa buhay ng sangkatauhan.
Ito ang binigyang-diin ng pari sa kanyang mensahe kaugnay ng nagpapatuloy na adbokasiyang “Christmas Narrative Parade,” na kanyang sinimulan mahigit isang dekada na ang nakalilipas.
Iginiit ni Fr. Mercado na ang pagsilang ni Hesus ang panimulang yugto ng kaligtasan ng mundo, kaya’t hindi ito dapat kaligtaan o palitan ng mga panlabas at materyal na aspeto ng pagdiriwang ng Pasko.
“Kung hindi ipinanganak si Hesukristo, marahil wala rin tayong pinagdiriwang na muling pagkabuhay; at ang muling pagkabuhay ang siyang nagbibigay-kahulugan sa kanyang kapanganakan at ng ating kaligtasan,” pahayag ni Fr. Mercado sa panayam sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng pari na ang payak na pagsilang ni Hesus sa sabsaban at ang kanyang kamatayan sa krus ay madalas ituring na kabiguan sa mata ng tao, subalit ang mga tagpong ito mismo ang naghahayag ng tunay na kapangyarihan, kadakilaan, at pag-ibig ng Diyos para sa sanlibutan.
Aniya, tampok sa taunang Christmas Narrative Parade ang mahahalagang tagpo sa Ebanghelyo hinggil sa pagkakatawang-tao ni Hesus. Ngayong taon, itinampok sa mga karosa ang mga eksena mula sa Misteryo ng Tuwa, kabilang ang pagpapahayag ni Anghel Gabriel sa Mahal na Birheng Maria bilang hinirang na ina ng Manunubos.
Dagdag pa ni Fr. Mercado, layon din ng adbokasiya na kontrahin ang unti-unting pagtabon ng komersyalismo at materyalismo sa tunay na kahulugan ng Pasko.
“Nakakalimutan natin ang tunay na paanyaya ng Pasko dahil mas binibigyan ng pansin ang Santa Claus, shopping, at mga handa, kaysa sa ‘adult Christ’ na tumatawag sa atin sa pagbabago,” giit ng pari.
Sinabi rin ni Fr. Mercado na napapanahon ang pagsasagawa ng parada ngayong Taon ng Hubileyo na may temang Pilgrims of Hope, lalo’t maraming Pilipino ang nawawalan ng pag-asa dahil sa laganap na katiwalian sa pamahalaan.
Mariin niyang pinuna ang mga tiwaling opisyal na naglulustay ng pondo ng bayan sa mga substandard infrastructure project na nagiging sanhi ng kapahamakan at pagkamatay ng mamamayan.
“Kapag ang puso ng tao ay puno ng katiwalian at kasinungalingan, nagbubunga ito ng pagkasira hindi lamang ng moralidad kundi pati ng lipunan at kapaligiran,” ayon pa kay Fr. Mercado.
Dahil dito, hinimok ng pari ang mamamayan na buong pusong tanggapin si Hesus, hindi lamang bilang alaala tuwing Disyembre kundi bilang gabay sa araw-araw na pamumuhay.
“Naririto na ang paghahari ng Diyos; kung makikiisa tayo, mararanasan natin ito sa ating puso at makikita ang bunga nito sa lipunan… Hindi lang dumarating si Hesus tuwing Disyembre 25. Maaari siyang dumating sa ating buhay araw-araw kung tatanggapin natin siya nang buong-buo. Hindi isang kamay ang pagtanggap kay Kristo, kundi ang buong sarili at doon nagsisimula ang tunay na pagbabago ng buhay at ng bayan,” diin ni Fr. Mercado.
Katuwang ng pari sa adbokasiya ang iba’t ibang institusyon, kabilang ang Dr. Yanga Colleges Incorporated, Sto. Niño Academy, Inc., at iba pang pribado at sektor na organisasyon.
Ayon kay Joceline Ongdico, Director ng Serviam Office ng Dr. Yanga Colleges Incorporated, mahalagang paraan ng ebanghelisasyon ang Christmas Narrative Parade, lalo na para sa kasalukuyang henerasyon.
“Ang mga ganitong gawain, tulad ng mga karosang may nativity, ay isang uri ng evangelization na tumutulong ipaalala ang tunay na puso at kahulugan ng Pasko,” ani Ongdico.
Dagdag pa niya, mahalagang maunawaan ng kabataan ang mga naratibo ng pagsilang, pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus bilang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano.
“Sa aming paaralan, ang pinakapuso ng aming core values ay God-centeredness, kaya ang mga ganitong gawain ay talagang sinusuportahan namin,” pahayag ni Ongdico.
Sinimulan ni Fr. Mercado ang Christmas Narrative Parade noong 2013 sa Sapang Palay, San Jose del Monte, at patuloy niya itong isinusulong upang maipahayag sa lipunan ang buong kwento ng pagdating ng Mesiyas; mula sa kanyang pagsilang hanggang sa kanyang muling pagkabuhay.
Tiniyak ng pari ang patuloy na pagpapaigting ng katesismo at pagbabahagi ng mensahe ng Ebanghelyo, upang higit na maunawaan at maisabuhay ng sambayanang Kristiyano ang pananampalataya kay Hesukristo.




