228 total views
Kinondena ni Father Ed Pariño Social Action Center Director ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan ang panukalang pagtatayo ng Underwater Themed Park sa Coron Palawan.
Ayon sa pari, kung matutuloy ang proyekto ay maraming katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil masyadong malaki ang sakop ng 400 hectare themed park.
Pinangangambahan rin ni Fr. Pariño ang pagkasira ng mga coral reefs na matagal na inalagaan at prineserba ng mga katutubo at lokal na mandaragat ng Coron, Busuanga, Culion at Linapacan.
Iginiit ng pari na hindi patas para sa mga katutubo at lokal na residente na lehitimong nagmamay-ari at nakikinabang sa yaman ng kalikasan na basta na lamang itong kakamkamin ng mga mayayamang dayuhan.
“Libreng libre na sa amin ito, makikita na agad yung ganda ng aming coral reefs, tapos ang mangyayari nito kapag pinapasok namin sila e magbabayad na kami. Teka muna para naman yatang unfair? Sila ang makikinabang sa lehitimong sa mga taga-Palawan especially mga taga-Coron, Busuanga, Culion at Linapacan, samantalang kami rin ang nagpreserve, ito ring mga katutubong ito ang nagpreserve ng lahat ng yon,”pahayag ni Fr. Pariño sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, sinabi ni Fr. Pariño na naghahanda sila para sa isang Forum na naglalayong ipaalam sa mga lokal na residente at mga katutubo ang tunay na sitwasyong kinakaharap ng Palawan.
Imbitado sa isasagawang Forum sa July 18, simula ala una hanggang alas singko ng hapon ang iba’t ibang stakeholders sa Coron kabilang na ang Lokal na pamahalaan, association of restaurants and hotel owners, mga lider ng katutubo sa Coron, Academe at iba’t ibang NGO.
Hinimok din ni Fr. Pariño ang iba pang environmentalist na makiisa sa kanilan pagprotekta sa Palawan na tinaguriang “The Last Frontier.”