388 total views
Inilunsad ng online platform ng Radyo Veritas846 o Radyo Veritas PH ang Undas Veritas 2020: Pag-alala, Panalangin at Pagkilala kaugnay sa paggunita ng sambayanang Filipino ng Todos Los Santos.
Sa pamamagitan ng Undas Veritas 2020 ay maaring magpadala ang mga kapanalig at mananampalataya ng mga panalangin at pamisa para sa kanilang mga yumao.
Sa mga nais na magpadasal at magpamisa kinakailangan lamang ang maglog-in sa www.veritas846.ph/undasveritas2020.
Hinikayat din ang mananampalatyaa na mag-alay ng ‘love offering’ para ipagdasal ang mga namayapang frontliners kung saan magpapadala naman ang Kapanalig na himpilan ng e-mass card sa pamilya ng namayapang medical o service frontliners sa pamamagitan ng e-mail.
Ang Undas Veritas 2020 ay bilang tugon ng simbahan lalu’t patuloy na umiiral ang community quarantine sa malaking bahagi ng bansa at pagbabawal sa maramihang pagtitipon.
Una na ring ipinag-utos ng pamahalaan ang pansamantalang pagpapasara ng mga sementeryo sa buong bansa upang maiwasan ang mga pagtitipon at pagkahawa mula sa Covid-19.