204 total views
Binigyang-diin ng isang opisyal ng Nutrition Foundation of the Philippines (NFP) na walang iisang uri ng paraan ng pagkain o diet na angkop sa lahat ng tao.
Ito ang inihayag ni Melvar Royeras, RND, Nutritionist-Dietitian I ng NFP sa programang Barangay Simbayanan, kaugnay sa paggunita ngayong buwan ng Nutrition Month 2026 na may temang “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat!” at may sub-theme na “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”
Ayon kay Royeras, mas mahalagang pairalin ang pangmatagalang malusog na gawi sa pagkain kaysa sumunod sa iba’t ibang mga diet na nangangako ng mabilis na resulta.
“Tatandaan po natin na ang diet po ay walang ‘one size fits all.’ Kumbaga, walang isang diet na magpi-fit [o akma] para sa lahat ng tao. Ang pino-promote pa rin po namin sa Nutrition Foundation of the Philippines ay ang pagkakaroon ng sustainable practices sa ating pamumuhay,” Bahagi ng pahayag ni Royeras sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng nutrition expert, nananatiling pinakamahalaga ang pagkain ng balanseng pagkain upang makamit ang wastong nutrisyon at maiwasan ang mga problemang pangkalusugan.
“Mahalaga pa rin po ang pagkain ng balanced diet kaysa sa mga diet na nagpa-promise ng mabilisang resulta o effect pero hindi pa rin naaayos ang ating mga gawi o eating habits,” Dagdag pa ni Royeras.
Ipinapaalala rin ng Nutrition Foundation of the Philippines na ang pagdiriwang ng Nutrition Month ay pagkakataon upang higit na mapalawak ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng sapat, masusustansya at sustainable na mga pagkain bilang bahagi ng pagpapanatili ng mabuting kalusugan at pangangalaga na rin sa kalikasan.




