1,104 total views
Walong taon matapos ang pagpaslang kay Kian delos Santos, muling binalikan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David ang madilim na yugto ng War on Drugs nakumitil sa libo-libong buhay at nag-iwan ng malalim na sugat sa sambayanan.
Ibinahagi ni Cardinal David na sa harap ng San Roque Cathedral sa Caloocan City ay naglagay siya ng isang itim na panandang-bato bilang paggunita kay Kian, ang 17-anyos na biktima ng extrajudicial killing noong Agosto 16, 2017—araw ng kapistahan ng patron ng diyosesis.
“In front of the San Roque Cathedral in Caloocan City, I installed a black stone marker in memory of Kian De los Santos eight years ago now, at the height of the deadly ‘drug war’ of the previous administration that claimed the lives of more than a thousand in just our diocese. It was a brutal episode in our history that left many wives widowed and many children orphaned,” pahayag ni Cardinal David.
Ayon sa nakaukit sa pananda, si Kian ay isa lamang sa 81 kataong napatay sa loob ng apat na araw sa Metro Manila noong Agosto 2017. Dagdag pa ng Cardinal, libo-libo na ang naging biktima ng marahas na kampanya kontra ilegal na droga—isang pamamaraang mariing tinututulan ng Simbahan.
Higit pa sa paggunita, iginiit ni Cardinal David na ang panandang-bato ay hindi lamang alaala ni Kian, kundi simbolo ng lahat ng biktima ng War on Drugs—mga pinaslang, mga naulila, at mga pamilyang naiwan sa matinding pagdadalamhati.
Hinimok din ng Cardinal ang pamahalaan at lipunan na tuluyang talikuran ang karahasan at sa halip ay itaguyod ang pagpapagaling, rehabilitasyon, at tunay na katarungan, lalo na para sa mga biktima ng pagkalulong sa droga.
“May this marker serve as a memorial to the lives that were taken, to the wives who were widowed, and to the children who were orphaned. May God stir the conscience of those in power so that the killings may finally stop, the healing of our fellow citizens who are victims of drug addiction may begin, and true justice may be attained for all,” dagdag pa ni Cardinal David.
Para kay Cardinal David, ang alaala ni Kian delos Santos ay patuloy na paalala na ang tunay na kapayapaan ay hindi kailanman makakamit sa pamamagitan ng dugo at takot, kundi sa paggalang sa buhay, pananagutan, at malasakit sa kapwa.




