402 total views
Naglabas ng petisyon ang iba’t-ibang makakalikasang grupo laban sa panukalang batas hinggil sa waste incineration sa bansa.
Nakasaad dito ang pagtutol ng mga organisasyon upang hindi mabigyang daan ang nasabing panukalang batas na magpapahintulot sa pagsusunog ng basura para sa waste treatment at upang pagkunan ng enerhiya.
Ayon kay No Burn Pilipinas, senior campaign manager Glen Ymata, kanilang kinausap ang mga mambabatas para ipaliwanag ang magiging epekto ng waste incineration dito sa bansa.
Aniya, hindi kailangan ang ganitong pamamaraaan na maaaring magdulot ng polusyon na hatid ay panganib di lamang sa kalikasan, kundi maging sa kalusugan ng tao.
“Kinakausap namin yung ilang mga mambabatas para ipaliwanag sa kanila, saan ba nagmumula talaga yung oposisyon ng mga iba’t ibang mga grupo at komunidad patungkol sa planong gamit ng waste incineration dito sa ating bansa. Para din ng sa gayon ay mai-reconsider nila yung kanilang policy action, that’s one. Second, patuloy na isinasagawa namin yung zero waste approach doon sa waste management kasi dito umuusbong yung clamor ng mga proponents na i-adapt na natin yung ganitong klase ng teknolohiya,” pahayag ni Ymata sa panayam ng Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Ymata na maaring mapangasiwaan ng maayos ang mga basura sa bansa kung susundin lamang ng mga lokal na pamahalaan at iba pang sektor ang nakasaad sa Ecological Solid Waste Management Act at pagsasagawa na rin ng zero waste management.
“Kasi ang sabi nila [mga mambabatas] ay lumalala ang problema sa basura at hindi ito natutugunan nung ecologocal solid waste management act. So kaya pinatutunayan ng mga communities, ng ilang mga partner na local government units na kung susundin lamang talaga yung ecological solid waste management act at sasangkapan ito nung tinatawag nga namin na zero waste approach ay posible na mapangasiwaan talaga ng maayos yung ating basura,” ayon kay Ymata.
Nakasaad din sa petisyon ng mga makakalikasang grupo, ang iba pang batas tulad na lamang ng Renewable Energy Act at Clean Air Act na maaaring maging batayan upang mas makahanap pa ng solusyon upang mapigilan ang pagdami at pagsusunog ng mga basura sa bansa.
Hinihikayat din ng grupo ang pagtutulungan upang mapaigting ng mga lokal at ahensya ng pamahalaan gayundin sa mga komunidad ang pagpapatupad at pagsasagawa ng wastong paraan upang pangalagaan ang kalikasan.
Ayon sa Laudato Si ni Pope Francis, mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.