19,381 total views
Inaanyayahan ng Radyo Veritas ang publiko sa pagdalaw ng first class relic ni San Ezequiel Moreno sa Radyo Veritas Chapel sa February 4, 2026, kasabay ng paggunita ng National Cancer Awareness Day.
Ayon kay Fr. Roy Bellen, Pangulo ng Radyo Veritas, ang pagbisitang ito ay isang mahalagang pagkakataon para sa mga Kapanalig, lalo na sa mga may karamdaman, na makapag-alay ng panalangin sa pamamagitan ng santong kinikilalang patron ng mga may cancer.
Ipinaliwanag ni Fr. Bellen na bahagi ito ng patuloy na misyon ng himpilan na maghatid ng pag-asa at espiritwal na lakas, lalo na sa mga dumaranas ng karamdaman, sa pamamagitan ng panalangin at mga sakramento ng Simbahan.
“Iniimbitahan po namin ang mga Kapanalig na dumalaw sa Radyo Veritas Chapel sa pagbisita ng first class relic ni San Ezequiel Moreno, upang sa kanyang pamamagitan ay mapagkalooban ng Diyos ng lakas at kagalingan ang mga may sakit,” pahayag ni Fr. Bellen.
Dadalhin ang relikya ng Saint Ezequiel Moreno Novitiate – Recoletos ganap na alas-onse ng umaga.
Isasagawa ang enthronement of the relic, na susundan ng banal na misa sa alas-dose ng tanghali na pangungunahan ng Augustinian Recollect missionary.
Si San Ezequiel Moreno ay isang paring misyonero ng Augustinian Recollect at obispo na naglingkod sa Pilipinas bago naitalaga sa Colombia.
Kinilala siya bilang patron ng mga may cancer dahil sa sarili niyang karanasan ng matinding pagdurusa mula sa cancer of the jaw, na hinarap niya nang may kababaang-loob, pananampalataya, at ganap na pagtitiwala sa Diyos.
Sa kabila ng karamdaman, nagpatuloy siya sa paglilingkod hanggang sa kanyang pagpanaw noong 1906 at ginawang santo ni noo’y santo papa Saint John Paul II noong 1992.
Ipinagdiriwang ang National Cancer Awareness Day sa Pilipinas bilang pakikiisa sa pandaigdigang kampanya laban sa cancer at layong palaganapin ang kamalayan, pag-iwas, at malasakit sa mga apektado ng sakit.




