34,079 total views
Hinikayat ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang mga Kristiyano mula sa iba’t ibang denominasyon na maging saksi ng pagkakaisa sa gitna ng lumalalim na pagkakahati sa mundo upang maghatid ng pag-asa sa pamayanan.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa paggunita ng Week of Prayer for Christian Unity, kung saan iginiit na ang sama-samang pagtindig ng mga Kristiyano ay mahalaga lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunan na haharap sa iba’t ibang suliranin.
“In a world wounded by division, conflict, and mistrust, our shared witness of respect, dialogue, and cooperation becomes a powerful sign of hope,” ayon kay Archbishop Uy.
Paliwanag ng arsobispo na ang pagbubuklod ng mga Kristiyano ay hindi nangangahulugang pagkakapare-pareho ng pananaw subalit paalala sa bawat isa na pinag-isa ni Hesus ang sangkatauhan.
“Christian unity is not about thinking the same, but loving the same Lord. It does not require us to deny our differences, but it calls us to face them with humility, gentleness, patience, and love. Before we belong to different Christian traditions, we belong first to Jesus Christ, who calls us to be one,” dagdag ni Archbishop Uy.
Bilang pinuno ng Simbahan sa Cebu, hinamon niya ang mga Kristiyano na ituring ang isa’t isa hindi bilang magkakatunggali kundi bilang magkakapatid kay Kristo.
Binigyang-diin din ni Archbishop Uy ang pagpili ng pag-ibig at kapayapaan ay daan upang mapanatili ang tunay na pagkakaisa sa bisa ng Espiritu Santo.
Inilunsad ng ecumenical faith community sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commision on Ecumenical Affairs at ng National Council of Churches in the Philippines ang Week of Prayer for Christian Unity noong January 19 sa Bishop Moises F. Buzon Memorial Church ng Iglesia Unida Ekyumenikal sa Tondo Manila.
Pinalawak ng CBCP ECEA at NCCCP ang pagdiriwang sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas kabilang na sa San Carlos Seminary ng Archdiocese of Cebu.






