313 total views
Hinikayat ni Caritas Internationalis President, Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng pari sa Archdiocese of Manila na magsagawa ng 2nd collection para sa mga biktima ni hurricane Matthew sa Haiti.
Inihayag ni Cardinal Tagle na isasagawa ang 2nd collection sa mga misa sa hapon ng Sabado,ika-15 ng Oktubre at linggo ika-16 ng Oktubre sa lahat ng parokyang nasasakupan ng Archdiocese of Manila.
“Mga minamahal na Kapanalig, mga kaibigan, mga kapatid sa panginoong Hesukristo. Alam ko po na nabalitaan na ninyo ang paghagupit ng bagyong Mathew sa isang napakahirap na bansang Haiti. Tayo po habang nakikipag-usap sa inyo ay nakabalita na mahigit sa isang libo(1,000) katao na ang namatay habang sana ay hindi mangyari pero ang banta ng cholera ay nariyan,”panawagan ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, nakalulungkot ang iniwang pinsala ni hurricane Matthew na sa kasalukuyan ay hindi pa nakababangon sa epekto ng lindol noong 2010.
“Ang Haiti po ay bukod sa pagiging isa sa mahirap na bansa ay hindi pa po nakakabangon sa lindol na naganap noong 2010 na mahigit 2 daang libong tao ang namatay. Kaya po nanawagan tayo sa ating mga Kapanalig, mga kaibigan sa Pilipinas, una sa lahat isa-isip po natin sila,” apela ng Pangulo ng Caritas Internationalis sa pamamagitan ng Radio Veritas.
Iginiit ng Kardinal na kailangan ng Haiti ang pinansiyal na tulong lalu na mahirap ang kalagayan at pamumuhay sa nasabing bansa.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na tulad ng Pilipinas na nakararanas din ng mga bagyo at kalamidad ay nararapat lamang na tayo ang unang tumulong at magpadama ng awa at habag ng Diyos sa mga taga-Haiti.
Inihayag ng Kardinal na mayroong isinasaayos na pinansiyal na tulong na ipadadala ang mga parokya at organisasyon ng Archdiocese of Manila sa Haiti.
“Tayo rin po ay nakaranas ng bagyong Yolanda, sana tayo ang mga unang nakakaramdam ng pakikiisa sa kanila. Pero hindi sapat ang isipin sila, ipanalangin po natin sila at sa mga darating na linggo. Palagay ko sa ibat- ibang mga parokya at diyosesis at organization ay mayroon tayong magiging pagkilos upang makakalap ng maitutulong sa mga kapatid natin sa Haiti. Kaya po kumakatok kami sa inyo sa taong ito ng habag awa ng Diyos, atin pong isagawa ang habag na ito,”mensahe ni Cardinal Tagle sa mamamayang Pilipino.
Mula sa datus ng gobyerno ng Haiti, mahigit sa 800 katao ang namatay at mahigit sa 60 libong tahanan ang nawasak sa pananalasa ni hurricane Matthew.