26 total views
Naglabas ng pahayag ang Alyansa Tigil Mina (ATM) kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa mga lokal na ordinansang nagpapataw ng blanket ban o malawakang pagbabawal sa pagmimina.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, bagamat kinikilala ng grupo ang batayang legal ng desisyon—lalo na ang paliwanag ni Associate Justice Marvic Leonen—may malinaw itong epekto sa mga umiiral na inisyatiba ng mga lokal na pamahalaan upang pigilan ang mapaminsalang pagmimina sa mga pamayanan.
“In the real world where mining corporations and political dynasties rule economic decision and management of our natural resources, this is not a just interpretation, from our simple view,” ayon kay Garganera.
Bagamat bahagyang dismayado, iginagalang ng ATM ang paliwanag ng Korte Suprema na hindi maaaring ipagbawal ng isang local government unit (LGU) ang lahat ng uri ng pagmimina sa pamamagitan ng blanket ordinance, ngunit maaaring gamitin ang kapangyarihan upang pahintulutan o tanggihan ang mga partikular na proyekto.
Dahil dito, nanawagan ang ATM sa mga legal at public interest groups na agad magsagawa ng briefing para sa mga environmental at climate justice advocates, gayundin sa mga apektadong komunidad upang makabuo ng kolektibong tugon at estratehiya.
Tiniyak rin ng grupo ang patuloy na pagsuporta at pakikiisa sa mga lokal na pamahalaan at mamamayang tumatanggi sa pananamantala sa likas-yaman ng bansa, kasabay ng lumalalang krisis sa klima, kahirapan, at kagutuman.
“This [Supreme Court] decision only means we have to calibrate our approach and make interventions to biodiversity protection, climate resilience and sustainable development while using all the available powers and platforms of local autonomy,” dagdag ni Garganera.
Una nang binigyang-diin ng yumaong Papa Francisco sa Laudato Si’ na tungkulin ng pamahalaan na pagtibayin ang pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan at sa mahihirap na mamamayang apektado ng pagkasira ng kapaligiran.