30,903 total views
Pinaghahandaan na ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo nito sa darating na Oktubre, 2025.
Ayon kay LAIKO National President Francisco Xavier Padilla, sa darating na Oktubre ay magkaalinsabay na ipagdiwang ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang 24th LAIKO National Biennial Convention at ika-75 anibersaryo nito bilang implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)- Episcopal Commission on the Laity.
Pagbabahagi ni Padilla, kabilang sa pinaghahandaan ng LAIKO ang mga hakbang upang patuloy na mapalakas ang aktibong partisipasyon ng layko mula sa iba’t ibang mga diyosesis at mga organisasyon sa buong bansa.
“Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay naghahanda para ipagdiwang ang aming 75th year anniversary! Sa October, magkakaroon ng Anniversary Celebration at ang Biennial National Convention. Gumagawa ang LAIKO ng mga hakbang para tuloy tuloy ang empowerment ng mga Layko sa mga Diyosesis at Organization sa buong Pilipinas.” Bahagi ng pahayag ni Padilla sa Radyo Veritas.
Kasalukuyang tinututukan ng Sangguniang Laiko sa Pilipinas ang pagtutol at pagbabantay sa mga isinusulong na panukalang DEATH Bills partikular na ang pagsasabatas ng same sex marriage, aborsyon at diborsyo sa Pilipinas.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang nagsisilbing implementing-arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na binubuo ng higit sa 50-organisasyon ng Simbahan at mga Council of the Laity mula sa 87 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa na kasalukuyang pinamumunuan ni Dipolog Bishop Severo Caermare.
Ang mga layko ay ang mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.






