15,789 total views
Mga Kapanalig, para sa isang dating artista na minsang gumanap bilang tagapagtaguyod ng katarungan—at bilang bayani pa nga ng bayan—nakapagtataka kung bakit isinusulong ni Senador Robin Padilla ang isang batas na magbababa sa minimum age of criminal responsibility sa 10.
Gusto ni Senador Padilla na amyendahan ang Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Masyado raw mabait ang batas para sa mga batang nakagagawa ng heinous crimes o karumal-dumal na krimen. Kabilang sa mga heinous crimes ang parricide o pagpatay sa magulang o kamag-anak, murder o sadyang pagpatay sa tao, infanticide o pagpatay sa sanggol, rape, kidnapping, at serious illegal detention. Heinous crime din ang pagkakasangot sa drug-related offenses. Ang mga mapatutunayang guilty sa mga kasong ito ay pinapatawan ng parusa na mahigit 12 taóng pagkakakulong.
Sa ilalim ng batas, may criminal responsibility (o maaari nang kasuhan at patawan ng parusa) ang isang menor de edad kapag siya ay 15 taóng gulang. Gusto itong ibaba ni Senador Padilla sa 10 taóng gulang para sa mga heinous crimes. Ibig sabihin, gusto niyang ilagay sa bilangguan ang mga batang edad 10 na napatutnayang nakagawa ng karumal-dumal na krimen.
Katwiran ng senador, mabilis nang mag-mature ang mga bata ngayon dahil na rin sa teknolohiya at internet. Sa tingin niya, batid na ng mga bata ang kahihinatnan ng kanilang mga ginagawa, kahit pa ang mga krimen. Kung alam na nila na nakamamatay ang kanilang ginagawa, dapat na silang panagutin sa batas. Walang ibinigay na siyentipikong batayan si Senador Padilla para sa obserbasyon niyang ito. Ayon nga sa mga tutol sa pagbababa ng minimum age of criminal responsibility, ang brain development sa mga bata ay hindi pa talaga buo kahit hanggang sa pagsapit nila ng 20 anyos.
Sa isang bansang ipinagmamalaki ang pagiging malapít natin sa ating pamilya at ang pagmamalasakit natin sa ating kapwa, napakalupit ang pagpapakulong sa mga batang edad 10. Kung makikita lang ninyo ang kalagayan ng mga nakatatanda sa ating mga bilangguan, napakahirap isiping ilalagay ang mga bata sa ganoong sitwasyon—walang sapat na pagkain, walang maayos na tulugan, walang malinis na palikuran, walang dignidad.
Makatutulong marahil kung susuriin ni Senador Padilla at ng mga gustong papanagutin na sa batas ang mga musmos kung bakit may mga batang nasasangkot sa krimen. Ano ang sitwasyon sa kanilang pamilya? Kumusta ang kanilang pag-aaral? Sinu-sino ang nagtuturo sa kanila ng mabuting asal (o ng masamang gawain)? Anu-ano ang mga nagtulak sa kanilang gumawa ng krimen? Baka matuklasan ni Senador Padilla na sa huli, ang ating lipunan ang bumigo sa ating kabataan. Ito ang dahilan ng pagkakasangkot ng mga bata sa mga gawaing labag sa batas.
Hindi natin kinukunsinti ang mga batang nananakit ng kanilang kapwa, pero hindi kaya mas makatutulong kung lalawakan pa natin ang ating pag-unawa at dadagdagan natin ang ating habag para sa kanila? Sabi nga sa Mga Kawikaan 13:24, malaki ang papel ng mga nakatatanda sa pagdidisiplina sa mga bata. Hindi literal na pamamalo at pananakit ang kailangan nila, kundi paggabay at patnubay na may kalakip na pagmamahal. Sa tingin ba ninyo, makagagawa ng karumal-dumal na krimen ang mga batang lumaki sa mapagkalingang pamilya, komunidad, at lipunan?
Mga Kapanalig, ang ating Simbahan ay naninindigan para sa isang sistemang pangkatarungan na nagnanais buuing muli ang mga nasirang ugnayan ng mga nagkasala at mga biktima nila. Restorative justice ang tawag natin dito. Hindi ito makakamit kung marahas na pagpaparusa ang ating paiiralin. Hindi ito mangyayari kung maaga pa lang ay pagkakaitan na natin ng pag-asa ang mga batang naliligaw ng landas.
Sumainyo ang katotohanan.