2,826 total views
Nanawagan si Cebu Archbishop-designate Alberto Uy sa mga pari ng Archdiocese of Cebu na magsisimula ng kanilang bagong pastoral na tungkulin na italaga ang kanilang paglilingkod sa diwa ng pagmamahal at sigasig.
Sa isang panalangin, ipinagkatiwala ng arsobispo sa Panginoon ang lahat ng mga pari na nakatalaga sa mga bagong Parokya noong August 5 matapos ang isinagawang reshuffling ni Cebu Archbishop Jose Palma.
“Lord God, we entrust to you all the priests in Cebu as they begin their new assignments. Grant them the grace to adapt joyfully to their new surroundings and to embrace their new parishioners with pastoral love and zeal,” ani Archbishop-designate Uy.
Ang reshuffling ay bahagi ng regular na pagpapalitan ng pari sa arkidiyosesis upang matugunan ang pangangailangang pastoral sa iba’t ibang komunidad. Kasabay nito, hinikayat ng arsobispo ang mga pari na isabuhay ang mabuting pagpapastol sa kanilang bagong nasasakupan.
Matatandaang noong Hulyo 16, tinanggap ni Pope Leo XIV ang pagreretiro ni Archbishop Palma at itinalaga si Bishop Uy ng Diocese of Tagbilaran bilang kahaliling arsobispo ng Cebu. Pamumunuan niya ang halos limang milyong Katoliko sa arkidiyosesis, na binubuo ng buong lalawigan ng Cebu at kilala bilang “cradle of Christianity” ng Pilipinas mula pa noong 1521.
Itinakda ang kanyang pagluluklok sa cathedra ng Cebu Metropolitan Cathedral Parish of St. Vitalis de Milan sa Setyembre 30, 2025. Magiging katuwang niya sa pagpapastol ang mahigit 600 pari sa 173 parokya sa buong arkidiyosesis