2,673 total views
Sa kanyang Angelus ngayong Linggo sa St. Peter’s Square, hinimok ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na italaga hindi lamang ang materyal na yaman kundi pati ang oras, talento, at pagmamahal para sa kapakinabangan ng kapwa, lalo na ang higit nangangailangan sa lipunan.
Pinagnilayan ng santo papa ang Ebanghelyo ni San Lucas (Lk 12:32–48) na nagtuturo ng kahalagahan ng pagbabahagi at pagiging handa.
“It is not simply a matter of sharing the material goods we have, but putting our skills, time, love, presence, and compassion at the service of others,” ayon kay Pope Leo XIV.
Aniya bawat tao ay “priceless and unrepeatable” na kaloob ng Diyos na dapat linangin at ipamuhay kasabay ng babala na ang mga kaloob na hindi ginagamit sa tamang paraan ay mawawala at masasayang lamang.
Binigyang-diin ni Pope Leo XIV na ang gawaing may habag at awa ang “most secure and profitable bank where we can entrust the treasure of our existence,” at binanggit ang kuwento ng mahirap na biyudang naghandog ng dalawang baryang tanso ngunit itinuring na pinakamayaman sa lahat.
Tinuran din niya ang pahayag ni San Agustin: “It isn’t gold, it isn’t silver, but eternal life that will come your way… It will be transformed, because you yourself will be transformed,” ipinaliwanag na ang pagbibigay ay hindi lamang nakakapagpabago ng sitwasyon kundi pati ng nagbibigay mismo.
Bilang halimbawa ng tunay na kayamanan, binanggit ng Santo Papa ang isang ina na yumayakap sa kanyang mga anak at ang kasintahang magkasama, na aniya’y tila hari at reyna sa sandaling iyon.
Hinihikayat ng santo papa ang lahat na gawing gawi ang pagmamalasakit sa lahat ng pagkakataon—sa pamilya, parokya, paaralan, o lugar ng trabaho.
“Wherever we are… we should try not to miss any opportunity to act with love. This is the type of vigilance that Jesus asks of us,” hamon ni Pope Leo.
Sa pagtatapos, ipinagkatiwala ng Santo Papa ang buong sanlibutan sa makainang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria, “the Morning Star,” upang tulungan ang sangkatauhan na maging mga “watchmen of mercy and peace” sa gitna ng patuloy na mga hidwaan at pagkakahati-hati sa mundo.