5,679 total views
Nanawagan si Military Bishop Oscar Jaime Florencio ng pagkakaisa at maingat na pag-aaral sa sitwasyon matapos i-anunsyo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pansamantalang pagsuspinde ng kanilang pakikibahagi sa decommissioning program ng pamahalaan.
Ang pahayag ng obispo ay kasunod ng anunsiyo ng MILF ilang linggo bago ang kauna-unahang parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa Oktubre.
Ayon kay Bishop Florencio, mahalagang timbangin ng lahat ng panig ang epekto ng kanilang mga hakbang hindi lamang sa rehiyon kundi sa buong bansa.
“But I pray that sana tingnan and evaluate nila what are those things that will help us grow and prosper as a nation. And then we all work in that direction. If we will be disunited, many people will suffer, but if we work together, many will benefit and progress will not be an elusive thing for us,” ayon sa mensahe ni Bishop Florencio.
Iginiit ng Obispo na ang pagkakawatak-watak ay tiyak na magbubunga ng pagdurusa sa marami, samantalang ang pagkakaisa at pagtutulungan ay magdadala ng benepisyo at magbubukas ng mas malinaw na landas tungo sa pag-unlad.
Kaugnay nito, nagpaalala rin siya na ang usapin ng kapayapaan ay hindi lamang nakasalalay sa mga kasunduan kundi sa tunay na kooperasyon at malasakit ng lahat ng sektor.
Idinagdag ng Obispo na kung ang bawat isa ay kikilos tungo sa iisang direksyon, mas magiging posible ang pag-asenso ng bansa at hindi magiging mailap ang progreso.
Itinuturing ng mga eksperto na mahalaga ang pagpapatuloy ng decommissioning bilang pundasyon ng kapayapaan at stabilidad sa BARMM, lalo’t ito ang unang pagkakataon na magsasagawa ng halalan sa rehiyon mula nang maitatag ito.