22,522 total views
Ito ang napiling Episcopal motto ng ikalimang obispo ng Prelatura ng Infanta, si Bishop Dave Dean Capucao.
Hango ito sa adhikaing pastoral ng ikalawang obispo ng prelatura, Bishop Julio Labayen, Jr., OCD, na nagsulong ng tunay na Simbahang “Church of the Poor”—bilang pakikiisa at pakikibahagi sa buhay ng mga dukha.
Inspirasyon din ni Bishop Capucao si San Oscar Romero ng El Salvador, na pinili ang parehong motto bilang tanda ng paglilingkod sa mga inaapi, sa diwa ng sama-samang paglalakbay ng bayan ng Diyos.
Sa ordinasyon at pagluluklok kay Bishop Capucao, binigyang-diin ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, sa kanyang pagninilay na ang episcopal motto ng bagong obispo ay hindi lamang pakikiisa sa Simbahan bilang institusyon, kundi pakikiisa mismo kay Kristo.
“Kung ang Simbahan ay Katawan ni Kristo, gaya ng turo ni San Pablo, ibig sabihin ang Sentire cum ecclesia ay sabay na Sentire cum Christo—to think to feel with Christ, to love with the love of Christ Himself… Kung anong iniisip, nararamdaman, at minamahal
ni Kristo—iyon din ang ating isipin, damhin, at mahalin,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal David.
Paliwanag pa ng kardinal, ang pagiging tunay na pastol ay nakaugat sa pagpapakumbaba at pagbubuhos ng sarili, o kenosis, tulad ng ginawa ni Kristo.
Iginiit din ni Cardinal David ang pamana nina Bishop Labayan at San Oscar Romero, na kapwa nag-alay ng buhay para sa mga dukha at inaapi.
Tagubilin naman ng kardinal kay Bishop Capucao ang pagiging mabuting pastol na mapagpakumbaba at nakikibahagi sa buhay na Simbahan.
“Ang pinakamahalagang aspeto ng pagiging obispo ay acompañamiento—ang apostolado ng pag-aantabay. Kakaibang klase ng pamumuno: hindi mo pinangungunahan ang pamayanan, hindi dumidikta kundi nakikipagkaisang-puso, nakikiramdam, nakikinig, nakikilakbay, nakikibahagi sa lakad ng bayan,” ayon kay Cardinal David.
Nagsilbing principal consecrator ni Bishop Capucao si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, habang co-consecrators naman sina Infanta Bishop-emeritus Bernardino Cortez at Caceres Archbishop-emeritus Rolando Tria Tirona, OCD.
Dumalo rin sa pagtatalaga ang ilang obispo mula sa Pilipinas, maging mula sa Diocese of Hiroshima, Japan at Busan, South Korea, kasama ang mga pari, madre, at mananampalataya ng prelatura, karatig-diyosesis, at mga kongregasyon.
Si Bishop Capucao ang kauna-unahang Pilipinong hinirang na obispo ni Pope Leo XIV noong May 16, 2025, bilang kahalili ni Bishop Cortez na nagretiro sa edad na 75.
Magpapastol ang bagong obispo sa humigit-kumulang 400,000 Katoliko mula sa 19 na parokya sa Northern Quezon at Aurora, katuwang ang mahigit 60 pari ng prelatura.