34,098 total views
Inihalal ng Board of Consultors ng Diocese of Tagbilaran si Fr. Gerardo Saco Jr. bilang diocesan administrator ng diyosesis.
Ang desisyong ito ay ipinasiya ng 12 pari na bumubuo ng board sa kanilang pagpupulong noong October 4, upang pumili ng mamumuno sa diyosesis sa panahon ng sede vacante—ang panahong pansamantalang walang nakatalagang obispo.
Si Fr. Saco ay dating vicar general ng diyosesis at kasalukuyang chairperson ng Commission on Social Action at priest-in-charge ng St. Vincent Ferrer Mission Station sa Cabawan, Tagbilaran City.
Ipinahayag ng diyosesis ang kanilang lubos na pagtitiwala sa kakayahan ni Fr. Saco na pangasiwaan ang diyosesis, batay sa kaniyang malawak na karanasan sa pampastoral na pamumuno sa iba’t ibang parokya at mga tanggapang ipinagkatiwala sa kanya.
Ang pagkakahalal sa kanya ay sumasalamin sa tiwala at pagkakaisa ng College of Consultors at sa kanilang hangaring matiyak ang tuloy-tuloy na pangangalaga at pamamahalang pastoral ng diyosesis habang hinihintay ang pagtatalaga ng bagong obispo na hahalili kay Archbishop Alberto Uy, na inilipat sa Archdiocese of Cebu noong Setyembre 30.
Hinikayat ng Diocese of Tagbilaran ang mahigit isang milyong mananampalataya na ipagdasal ang paggabay ng Espiritu Santo kay Pope Leo XIV sa pagtalaga ng bagong pastol ng diyosesis.




