17,584 total views
Makiisa ang Archdiocese of Zamboanga sa nalalapit na kilos protesta na nananawagan ng katotohanan, katarungan, at pananagutan sa harap ng trilyong pisong nalustay sa katiwalian at maanomalyang proyekto ng pamahalaan.
Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng arkidiyosesis na mahaba pa ang laban ng sambayanang Pilipino upang mabunyag ang katotohanan at mapanagot ang mga sangkot, lalo na sa mga proyektong gaya ng mga flood control program na iniulat na pinagmumulan ng iregularidad.
Kasabay nito, nanawagan sila ng panalangin para sa “pagpapanibago ng puso” ng mga nasa likod ng katiwalian, na anila’y higit na nagpapahirap sa mga ordinaryong mamamayan.
“Return the people’s money, imprison the corrupt, uphold the constitution, and let us pray that those who have done wrong may repent and be transformed,” ayon sa pahayag ng Archdiocese of Zamboanga.
Bilang konkretong hakbang, magsasagawa ang Archdiocese of Zamboanga ng Pilgrim Walk: A Call for Accountability and Justice sa November 30, na sisimulan sa Centro Pastoral, Puerto del Sol, Gov. Camins Avenue.
Inaanyayahan nito ang mga paaralan, parokya, pastoral councils, at iba pang civic organizations na makilahok upang ipakita ang pagkakaisa ng mga taga-Zamboanga sa pagsusulong ng mabuting pamamahala.
“The people of Zamboanga stand in synodality, calling for accountability, justice, and good governance,” dagdag ng arkidiyosesis.
Ang aktibidad ay nakahanay sa mas malawak na kilos-protesta na “Trillion Peso March” na gaganapin sa EDSA People Power Monument sa Quezon City, na lalahukan ng iba’t ibang sektor kabilang ang Simbahang Katolika.




