9,083 total views
Nanawagan si Pope Leo XIV na pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng pamilya bilang haligi ng lipunan at pananampalataya.
Sa kanyang mensahe sa mga guro at mag-aaral ng Pontifical John Paul II Theological Institute sa Vatican, sinabi ng Santo Papa na tungkulin ng lahat na alagaan, ipagtanggol, at itaguyod ang pamilya sa lahat ng panahon.
Ayon sa Santo Papa, nasusukat ang tunay na kaunlaran ng isang bansa sa paraan ng pagpapahalaga nito sa pamilya, tulad ng pagbibigay ng panahon, maayos ang kabuhayan, at matibay ang samahan.
“The quality of a country’s social and political life is measured particularly by how it allows families to live well, to have time for themselves, and to cultivate the bonds that keep them united,” ayon kay Pope Leo XIV.
Dagdag pa ng pinunong pastol na sa panahon ngayong abala ang marami sa trabaho at teknolohiya, mahalagang ibalik ang pagbibigay halaga sa pagmamahalan at pagkakaisa sa loob ng tahanan.
Nanawagan din ang Santo Papa sa pamahalaan at sa Simbahan na suportahan ang mga magulang, lalo na ang mga inang nagbubuntis na madalas nakararanas ng pag-iisa at hirap.
“Concrete initiatives are necessary, policies that guarantee adequate living and working conditions; formative and cultural initiatives that recognize the beauty of generating together; and pastoral care that accompanies women and men with closeness and listening,” ayon pa sa Santo Papa.
Binigyang-diin ni Pope Leo na ang pamilya ang unang paaralan ng pagmamahalan, pananampalataya, at pagkakaisa, kung saan natututo ang bawat isa ng paggalang, pakikinig, at malasakit sa kapwa.
Hinikayat ng Santo Papa ang lahat na patuloy na palakasin ang pamilya sa tulong ng pananampalataya kay Kristo, na siyang nagbibigay ng pag-asa at lakas sa bawat tahanan.




