4,760 total views
Nananawagan ang Arkidiyosesis ng Caceres sa mga mananampalataya na maghanda sa banta ng Super Typhoon Uwan nang may kapanatagan, pag-iingat, at taimtim na pananalangin para sa proteksyon ng Panginoon sa bawat isa.
Ayon sa abiso ng arkidiyosesis, sa gitna ng paghahanda sa posibleng maging epekto ng malakas na bagyo ay dapat na maalala ng bawat isa ang pagtutulungan, pagkakaisa at pananagutan sa isa’t isa sa gitna ng anumang kalamidad o sakuna.
Hinimok din ng Arkidiyosesis ng Caceres ang lahat na manalig sa habag, awa at pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia, upang mapangalagaan ang mga pamilya at pamayanan sa ilalim ng kanyang mapagmalasakit at mapagkalingang pamamatnubay.
“The Archdiocese of Cáceres encourages everyone to prepare for Typhoon Uwan with prudence, calmness, and a spirit of prayer. We are called to walk together in mutual care. This is a time for co-responsibility. May God’s protection, through the intercession of Inâ, Our Lady of Peñafrancia, keep our families and communities safe under her maternal care.” Bahagi ng panawagan ng Archdiocese of Caceres.
Pinaalalahanan din ng arkidiyosesis ang bawat parokya at mga pamilya sa mga dapat na gawing paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng lahat mula sa epekto ng Super Typhoon Uwan, kabilang na ang pagbubukas ng mga Simbahan at mga pasilidad ng parokya upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga residenteng apektado ng bagyo.
Mga Paalala para sa mga Parokya:
• Paganahin ang PaDRe Team (Parish Disaster Response) ng bawat parokya.
• Siguraduhing matibay at ligtas ang mga gusali ng simbahan—mga bintana, pinto, at bubong.
• Suriin ang mga gamit pang-emergency tulad ng first aid kit, flashlight, at radyo.
• Makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad para sa koordinasyon ng pagtugon.
• Ihanda ang simbahan o parish hall bilang posibleng evacuation center para sa mga nangangailangan.
Mga Paalala para sa mga Pamilya:
• Lumikas agad kung nasa mababang lugar o flood-prone area.
• Maghanda ng emergency kit na may pagkain, tubig, gamot, at kaunting salapi.
• Siguraduhin ang kaligtasan ng tahanan – linisin ang mga kanal at itali ang mga gamit na maaaring liparin ng hangin.
• I-charge ang cellphone at powerbank para sa tuloy-tuloy na komunikasyon.
• Manatiling nakatutok sa mga balita at opisyal na abiso ng pamahalaan at simbahan.
Hinikayat naman ng arkdyosesis ang lahat ng mananampalataya na patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng lahat at manatiling matatag sa pananampalataya bilang sandigan sa gitna ng anumang kalamidad o sakuna.




