1,515 total views
Nanindigan ang National Capital Region Youth Coordinating Council (NCR-YCC) na napapanahon ang sama-samang pagkilos ng kabataan upang manindigan para sa bayan at panagutin ang mga sangkot sa katiwalian sa pNamahalaan.
Sa pahayag ng NCR-YCC para sa nalalapit na Trillion Peso March sa November 30, binigyang-diin ng grupo na ang pagtitipon ay “hindi lamang protesta kundi sama-samang panalangin at pagkilos ng mamamayan para sa katotohanan at hustisya.”
“Sabay-sabay tayong babangon at magsusumigaw para sa bayan. Hindi ito basta protesta—ito ang ating panalangin at pagkilos para ipaglaban ang katotohanan at hustisya,” ayon sa grupo.
Iginiit ng NCR-YCC na ang martsa ay isang mapayapang lakad at panawagan mula sa mga Pilipinong nagmamalasakit at nagnanais na wakasan ang malawakang katiwalian sa gobyerno.
“Sa araw na ito, sama-sama nating ihahayag ang ating pag-asa na wakasan ang pag-abuso sa pera ng bayan at muling buhayin ang tiwala sa ating pamahalaan,” saad ng grupo.
Hinimok ng konseho ang kabataan lalo na sa Metro Manila na makiisa sa araw ng pagtitipon upang ipakita ang malasakit sa bayan nang may dangal, walang karahasan, at may paggalang sa paghahanap ng katotohanan at katarungan.
Umaasa ang NCR-YCC na mananatiling matatag ang kabataan sa pagbabantay sa pamahalaan at sa wastong paggastos ng pondo ng bayan para matiyak na napupunta ito sa mga programang makatutulong lalo na sa mahihirap at nasa laylayan.
“Hinihikayat namin ang kabataan na dalhin ang lakas ng pananampalataya, tapang, at pagkakaisa upang maging matibay na tinig ng pagbabago. Patuloy sana nating bantayan ang kilos ng pamahalaan at tumindig laban sa katiwalian,” dagdag ng NCR-YCC.
Tiniyak ng grupo ang kanilang pakikilahok sa malawakang kilos-protesta sa EDSA People Power Monument sa Quezon City, at nanawagang sama-samang tahakin ng sambayanan ang landas ng pagkakaisa at malasakit tungo sa isang bansang malaya sa katiwalian at kawalang-katarungan.
“Sa pagkakaisa ng panalangin, pagkilos, at malasakit, tayo ang magiging tanglaw ng pagbabago—isang bayan na may puso, pananampalataya, at pananagutan,” ayon sa grupo.
Ang NCR-YCC ay binubuo ng mga kabataang mula sa Ecclesiastical Province of Manila, kabilang ang Archdiocese of Manila; mga diyosesis ng Antipolo, Cubao, Imus, Kalookan, Novaliches, Parañaque, at Pasig; pati ang mga bikaryato ng Puerto Princesa at Taytay sa Palawan. Pinamumunuan ito ni Fr. John Harvey Bagos ng Diocese of Novaliches.




