1,025 total views
Nanindigan si Zamboanga Archbishop Julius Tonel, vice president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang Trillion Peso March noong November 30 ay isang makapangyarihang pahayag ng sambayanang Pilipino laban sa korapsyon.
Ayon sa arsobispo, nalulunod na ang bansa sa “baha ng korapsyon,” kaya’t kinakailangang magkaisa ang mamamayan upang hilingin ang pananagutan ng mga opisyal na sangkot sa katiwalian.
“We, Filipino people, did not see the flood of corruption coming. We were drowned. Now is the Advent of judgment. We are drowning because we allowed control systems in our democratic institutions to be compromised,” mariing pahayag ni Archbishop Tonel.
Binigyang-diin ng arsobispo na hindi nagkulang ang Simbahan sa pagpapaalala sa tamang pagpili ng mga pinuno, ngunit madalas ay ipagsawalang-bahala ito ng mamamayan.
Kasama sa kaniyang binatikos ang paglaganap ng political dynasties, na ayon sa kanya ay nag-ugat ng malawakang korapsyon at humadlang sa tunay na paglilingkod bayan.
“We warned you many times. In the many pastoral letters, choose your leaders wisely. But you failed to listen. Political dynasties have eroded our democratic process… fostering corruption, poor governance, and inequality,” aniya.
Nilinaw din ng arsobispo na hindi solusyon ang anumang destabilization plot, pagtatatag ng military junta, o panawagang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa halip, dapat palakasin ang imbestigasyon upang managot ang lahat ng opisyal na sangkot sa katiwalian.
“If the President wants to survive his government, he might as well make a serious call. All public officials, not only the political enemies of President Marcos but also his allies implicated in the flood control scam, must be held accountable,” ani Archbishop Tonel.
Dagdag ng pastol, dapat walang impunity sa mga nagnakaw ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng panunuhol at kickback, at panahon na para patibayin ang pagkakaisa ng sambayanan upang mapanagot ang lahat ng nasa likod ng multi-trillion-peso corruption.
“More strongly said: tama na, sobra na, let the justice system work, ikulong na,” dagdag ng arsobispo.
Nakiisa ang 86 na ecclesiastical territories sa ikalawang Trillion Peso March, kung saan nagsagawa ng magkakahiwalay na prayer rally sa kani-kanilang diyosesis.
Pinangunahan naman ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang misa sa pangunahing pagtitipon sa EDSA People Power Monument.




