71,155 total views
Inihayag ni Antipolo Bishop Ruperto Santos na ang paanyaya sa kabanalan ay paanyayang laging napapanahon para sa bawat mananampalataya.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdalaw ng relikya ni Saint Carlo Acutis sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral nitong December 5 bilang bahagi ng nationwide relic pilgrimage ng batang santo.
Ayon kay Bishop Santos, ipinapakita ng buhay ni San Carlo na maging sa ordinaryong gawain sa makabagong panahon ay matatagpuan ang daan tungo sa kabanalan.
“Holiness is possible even in our modern, digital age. Saint Carlo shows us that sanctity is possible in the ordinary, in the digital, in the everyday,” pahayag ni Bishop Santos.
Pinuri ni Bishop Santos ang halimbawa ng millennial saint na isang computer genius na ginamit ang kaniyang talino sa teknolohiya upang ipalaganap ang misyon ng Panginoon at ipakilala si Kristo.
Aniya, tulad ni Acutis, nawa’y gamitin ng bawat binyagan ang kanilang talento upang papurihan ang Diyos at ihayag ang Ebanghelyo sa pamayanan kasabay ng paalala na ang bawat salita ay dapat magdulot ng kabutihan.
“Use your words to build, not to destroy… Think about what is true and good. Speak what is true and good. Do what is true and good… Do not spread lies, fake news, or gossip,” paalala ni Bishop Santos.
Bagama’t bihasa ang kasalukuyang henerasyon sa paggamit ng iba’t ibang digital tools, iginiit ng obispo na kaakibat nito ang malaking tungkulin na gamitin ang teknolohiya sa kabutihan, alinsunod na rin sa mga turo ng Simbahan sa Inter Mirifica.
“The Lord has entrusted us with these tools not for vanity, but for truth, for goodness, and for love… Technology is not the end, but a means. The true goal is holiness,” diin ng obispo.
Hinikayat din ni Bishop Santos ang mananampalataya na tularan ang malalim na debosyon ni Saint Carlo sa Eukaristiya, dala ng kaniyang kilalang katagang “The Eucharist is my highway to heaven.”
Araw-araw na misa, pagtatanod sa Banal na Sakramento, at paglikha ng website tungkol sa Eucharistic miracles ang ilan sa mga gawaing nagpaunlad sa kabanalan ng batang santo.
Nagsimula ang Pericardium Relic Pilgrimage ni Saint Carlo Acutis noong November 28 at bibisita sa iba’t ibang diyosesis, parokya, at Catholic institutions sa bansa hanggang December 15.






