KUWENTO NG DALAWANG PAMILYA: NI JOSE, AT NI HERODES

SHARE THE TRUTH

Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 28,425 total views

Homiliya para sa Kapistahan ng Banal na Pamilya at Pagsasara ng Jubilee of Hope sa loob ng Octaba ng Pasko, 28 Dec 2025, Sir. 3:2–6, 12–14; Col 3:12–21; Mat 2:13–15, 19–23

Ang Ebanghelyo ngayon ay parang simpleng kuwento lang ng isang pamilyang tumatakas sa panganib. Pero kung babasahin nang masinsinan, kuwento ito ng dalawang pamilya—dalawang klase ng pamilya, dalawang direksiyon ng buhay, dalawang klaseng hinaharap.

Nasa background ang pamilya ni Herodes—makapangyarihan, pero takot na mawalan ng kapangyarihan, handang pumatay para manatili sa trono. Ayon sa kasaysayan, naging napaka-insecure ni Herodes, lubhang ipinapatay ang marami sa sariling mga kaanak niya—sariling mga anak, asawa at mga kapatid dahil sa hinala. Kapag ang pamilya ay nabuo sa pagkagumon sa kayamanan at kapangyarihan, nagiging mapanganib ito—kahit sa sarili nitong mga miyembro.

Sa kabilang banda, nariyan ang pamilya ni Jose—mahina sa paningin ng mundo, walang proteksiyon, walang yaman, napilitang lumikas para lang mabuhay. Isang karpintero, isang kabataang ina, at isang bagong silang na sanggol. Walang palasyo. Walang mga sundalo. Walang ambisyong magtatag ng kaharian.

At ngayong sinasara natin ang 2025 bilang Jubileo ng Pag-asa, sa gitna pa ng saya ng Pasko, tinatanong tayo ng Salita ng Diyos:

Aling uri ng pamilya ang nagbibigay ng pag-asa sa mundo?

Sa Ebanghelyo, nagsalita ang anghel sa panaginip ni Jose: “Tumindig ka, kunin mo ang bata at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungong Egipto.” Walang pagtutol si Jose. Walang tanong. Walang planong pansarili. Pero buo ang loob na makilahok sa plano ng Diyos. Ang mahalaga lang sa kanya: ang kaligtasan ng munting pamilya ng Diyos na ipinagkatiwala sa kanya, at itinuring na niya bilang kanyang sariling pamilya.

Nang mamatay si Herodes, pinabalik sila—pero hindi sa Betlehem, hindi sa bayan ng kanyang ninunong si Haring David. Masyado kasi itong malapit sa Jerusalem, sa sentro ng kapangyarihan at intriga. Sa halip, doon sila nanirahan sa liblib na bayan ng Nazaret—isang tahimik, hindi kilalang bayan.

Napakahalaga nito.

Hindi na abala si Jose sa pagtatayo ng sarili niyang pangalan o kaharian. Tinanggap niya ang mas malalim na tawag ng Diyos: ang makiisa sa plano ng Diyos na magtayo ng pamilya—hindi sa langit, kundi dito sa lupa. Hindi sa isang palasyo sa Jerusalem, kundi sa tahimik na Nazaret. Hindi sa paghahangad ng kapangyarihan, kundi sa kalinga at pangangalaga.

Hindi sa trono, kundi sa tahanan.

At doon, sa isang munti at simpleng pamilya, itinanim ng Diyos ang binhi ng bagong sangkatauhan—si Kristo, na magtuturo sa atin kung paano maging pamilya ng Diyos.

Sa unang pagbasa, pinaaalalahanan tayo ng aklat ni Sirak kung paano magsisimula iyon: sa paggalang sa magulang, sa pag-aaruga sa mga nakatatanda, sa pananatiling buo ng pamilya.
At si San Pablo naman ang nagsabi kung ano ang hitsura ng pamilya ng Diyos:

“Pagsumikapan ninyo na mabuhay sa malasakit, kabutihan, kababaang-loob, kaamuan, at pagtitiyaga. Pag-aralan ninyo ang magparaya sa isa’t isa. Magpuno sa pagkikulang ng isa’t isa, magpatawaran.”

Hindi ito magagandang mga salita lamang. Ito ang buod ng tahimik at pang-araw-araw na gawain ng pagmamahalan. Ito ang nakapagbubuo at nakapagpapatatag ng pamilya.
Napakalapit nito sa ating karanasan bilang mga Pilipino.

Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging maka-pamilya—at tama naman iyon. Pero alam din natin na mayroong tama at mayroon ding maling mga halimbawa ng pagiging pamilya.

May mga pamilyang ginagawang negosyo ang pulitika. Tama o mali, pinapaboran ang pamilya. Ang namanang kapangyarihan ang ibig ipamana. Walang ibang hangarin kundi ang mapanatili sa puwesto ang angkan. Tulad ng pamilya ni Herodes, nauuwi rin ito sa bangayan—magkakapatid laban sa isa’t isa, nagsisiraan at naglalaglagan, mag-asawa laban sa isa’t isa, anak laban sa magulang—ganito ang kinahahantungan kapag pagkaganid sa kapangyarihan at kasakiman na ang namayani.

Ang ganitong pamilya ay unti-unting wumawasak sa sarili nito.

At kapag itong klase ng mga pamilya ang umiral at namayani sa lipunan natin, pati ang buong bansa ay nawawasak.

Pero may isa pang uri ng pamilyang Pilipino.

Mga tahimik na pamilya.

Mga pamilyang nagpupunyagi sa gitna ng mga matitinding mga pagsubok, lumulusong sa mga kalamidad ng baha, bagyo, sunog, at lindol. Mga pamilyang nagtitiis sa kahirapan, ang iba’y pangingibang-bansa, binabata ang pagkakalayo sa isa’t isa.

Mga pamilyang sabay na nagtitiis, nagdarasal, sama-samang naglalakbay, bumabagsak, at bumabangon muli.

Mga pamilyang nagpapalawak ng kanilang tolda—tumatanggap ng mga kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, pati dayuhan st kapuspalad. Pinipili ang pagkalinga at malasakit kaysa galit at hinanakit, ang pagpapatawad kaysa paghihiganti.

Ito ang pamilyang nagsimula sa sabsaban ng Betlehem na napadpad bilang pamilyang migrante sa Egipto. Umuwi at muling nag-ugat sa Nazaret.

Hindi sila sikat. Pero sila ang binhi ng pag-asa ng sangkatauhan.

Kamakailan, nagpost ako ng litrato ng aming pamilyang David sa Betis—mahigit animnapu kami, hindi pa kabilang ang nasa abroad, ang may karamdaman. 13 kasi kaming magkakapatid; nag-asawa ang 12, nagpari ang isa. 11 sa nag-asawa ay nagkaanak at nagkaapo. Isama pa ang mga hipag at manugang. Isang Barangay na kami, pero patuloy pa rin na nagtitipon-tipon sa aming Bale Pinaud (bahay na pawid) sa probinsya sa mga espesyal na okasyon tulad ng Pasko at Pyesta, bilang parangal at paggunita sa aming mga magulang. Isang malaking pamilya na binubuo ngayon ng munting mga pamilya; at ako imbes na padre de pamilya ay naging padre ng simbahan, pamilya ng Diyos. Sama-samang nagsisikap manatili at magpanatili sa pagkakakaugnay sa puso at diwa.

Iyan ang institusyong nagpapatatag sa bansa—hindi ang maling modelo ng pamilya ni Herodes, kundi ang tahimik na pamilya ni Jose.

Sa pagtatapos ng Jubilee of Hope, hindi tayo pinapadalhan ng Simbahan ng malalaking plano o estratehiya. Ibinabalik niya tayo sa tahanan. Doon kasi nagsisimula ang pag-asa.

Kapag natutunan natin ang landas ni Jose kaysa landas ni Herodes sa pagiging pamilya. Kapag mas mahalaga ang buhay kaysa kapangyarihan.

Kapag ang pamilya ay naging lugar ng pagkalinga at pag-aaruga, hindi ng kontrol at kapangyarihan. Kapag pinalalaki natin ang mga anak hindi para magmana ng pribilehiyo, kundi ng malasakit.

Hindi iniligtas ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng imperyo. Iniligtas niya ito sa pamamagitan ng isang pamilya.

Hindi perpekto, pero tapat.

Hindi makapangyarihan, pero mapagkatiwala. Hindi siya nagtayo ng palasyo at nagtatag ng kaharian. Hinayaan lang niya na tahimik na umusbong ang kanyang pamilyang makalangit sa isang simpleng pamilyang ng mga taong nagpapakatao dito sa lupa.

Nawa’y ang ating mga pamilyang Pilipino ang maging mga binhi ng pag-asa. At nawa’y turuan tayo ng Banal na Pamilya ng Nazaret kung paano maging mga minamahal na pamilya ng Diyos.

Amen.

Pagkakaibigan, pinakamabisang daan ng bokasyon-Cardinal Tagle

 4,149 total views

Iginiit ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-prefect ng Dicastery for Evangelization, na ang pagkakaibigan ang isa sa pinakamabisang daan ng bokasyon, sapagkat sa pamamagitan ng mga tunay na ugnayan nagiging buhay at konkretong karanasan ang pagkilala kay Hesus at ang pagtugon sa tawag ng Diyos.

Tinalakay ito ni Cardinal Tagle sa isinagawang Heart to Heart Talk sa unang araw ng 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) 2026 sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, kung saan ibinahagi nina Sr. Mary Joannie Bolisay ng Sisters of Saint Paul of Chartres (SPC) at Fr. Dean Jerome Cruz ng Diocese of Cabanatuan ang mga pagkakaibigang naging bahagi ng kanilang paglalakbay tungo sa buhay relihiyoso at pagpapari.

Binigyang-diin ni Cardinal Tagle na bagama’t mahalaga ang mga vocation promotion materials tulad ng posters, videos, short stories at seminars, mas nagiging makapangyarihan ang personal na ugnayan at buhay na patotoo ng mga taong nagpapakita ng kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos.

“While we appreciate the use of film, mga short stories na nakikita natin sa TV, yung mga posters announcing a diocese, a seminary, a religious order, they’re all good for giving information. But we should not discount the role of friendship in making the face of Jesus, the face of the Church, real to people,” pahayag ni Cardinal Tagle.

Ibinahagi ni Sr. Bolisay na ang kanyang pagtugon sa bokasyon ay unti-unting nahubog sa pakikipagkaibigan niya sa mga seminarista ng Maria Asunta Seminary noong siya ay youth coordinator ng Diocese of Cabanatuan.

Ayon sa madre, ang masayang samahan at dedikasyon ng mga seminarista sa paglilingkod ang naging inspirasyon upang makita niya ang kagandahan ng buhay relihiyoso.

“Iyong joyful disposition ng mga seminarians, ‘yun po ‘yung isa sa mga nakahikayat sa akin na pwede naman palang subukan. At sila din po ‘yung nagpakilala sa akin ng congregation kung saan po ako papasok,” ayon kay Sr. Bolisay.

Samantala, ibinahagi naman ni Fr. Cruz na ang kanyang bokasyon bilang pari ay nagsimula rin sa pag-anyaya at paggabay ng mga kaibigang altar server at youth ministers noong siya ay nasa high school.

Binigyang-diin ng pari na mahalaga ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan maging sa patuloy na buhay-paglilingkod, lalo na sa panahon ng mga pagsubok at panghihina ng loob sa ministeryo.

“Truth and charity, magkakambal po ‘yan para sa growing relationship. You have to be truthful and of course you have to be charitable in expressing the truth para po balanse. Kasi kapag truth lang po, baka po masaktan kung walang charity. Pero kung charity lang, baka puro compromise naman po at wala pong truth. Baka po fake friendship na po ‘yun,” saad ni Fr. Cruz.

Sa pagtatapos ng talakayan, hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag matakot makipagkaibigan at maging saksi ng pag-ibig ni Kristo, dahil ang mga ugnayang binubuo ngayon ay maaaring maging binhi ng mga bokasyon sa hinaharap.

“The seeds of friendship that you sow now will be the harvest of vocation in the future,” ayon kay Cardinal Tagle.

Tema ng PCNE XII ang “Sangkay: I have called you Friends (John 15:15),” na naglalayong palalimin ang diwa ng pagkakaibigan bilang daan tungo sa pagbabagong-loob sa misyon at sa pagbuo ng isang higit na sinodal na Simbahang Katolika sa Pilipinas.

Pag-ibig, pundasyon ng tunay pakikipagkaibigan

 4,241 total views

Binigyan-diin ng Prior Provincial ng Dominican Province of the Philippines Father Filemon Dela Cruz Jr., O.P – , ang ‘pag-ibig’ bilang pundasyon ng tunay na pakikipagkaibigan at matatag na ugnayan ng bawat mananampalataya sa kaniyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) sa University of Santo Tomas.

Ito ay sa kaniyang pagninilay sa session ng “Confessio Peccati et Laudis: Healing and Nurturing Relationships,” na nakatuon sa pagpapanumbalik at pagpapatibay ng mga ugnayan.

Ayon kay Fr. dela Cruz, ang tunay na pagkakaibigan ay nakaugat sa pag-ibig na nag-uudyok sa tao na pahalagahan, ingatan, at alagaan ang kapwa.

Iginiit niyang ang pagmamahal ay hindi lamang damdamin kundi isang desisyon na kilalanin ang dignidad at kahalagahan ng bawat tao, na siyang nagpapatatag sa mga ugnayang humuhubog sa pamayanan ng pananampalataya.

“Friendship is friendship in love, kaya kapag ika’y nagmahal, iingatan mo ang halaga ng isang tao pinapahalagahan mo ang taong yan, kaya mahal kita l, mahalaga ka sakin,” ayon sa pagninilay ni Fr.Dela Cruz

Binigyang-diin din ng pari na ang pagpapahalaga sa kapwa ay nagiging daan upang mapagaling ang mga nasirang relasyon at makabuo ng mga pamayanang nagkakaisa sa diwa ng pakikinig, pag-unawa, at pagmamalasakit. dahil ang tunay na pagkakaibigan ay naipapakita sa konkretong pag-aaruga at patuloy na pag-akay sa isa’t isa tungo sa pag-ibig ni Kristo.

Kaugnay nito, umaasa si Fr. dela Cruz na magsisilbing inspirasyon ang PCNE 2026 upang higit pang mapalalim ang kultura ng pagkakaibigan at pagmamahalan sa loob ng Simbahan, kasabay ng paghahanda ng mga mananampalataya para sa Evangelization 2033, sa pamamagitan ng paghubog ng mga disipulong handang magmahal, maglingkod, at maghatid ng pag-asa sa kapwa.

Pagkakaibigan, mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo- Papal Nuncio sa mananampalataya

 5,082 total views

Binigyang-diin ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown na ang tunay na pagkakaibigan na nakaugat kay Hesukristo ang mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Sa kanyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII), sinabi ng kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas na ang pagkakaibigan ay isa sa pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao, kasunod lamang ng mismong buhay, sapagkat ito ang nagpapatatag sa mga pamayanan at nagbibigay ng tunay na kagalakan at pag-asa.

Ipinaliwanag din ni Archbishop Brown na ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nakabatay sa pakinabang o pansariling interes kundi sa kalayaan, kabutihang-loob, at tapat na pagmamahal sa kapwa.

“Friendship is truly one of life’s greatest treasures, next only to the gift of life itself. Even wealth without friends feels empty when compared to the joy of good friendship. Friendship strengthens communities and transforms ordinary connections into lasting happiness. Without it, life becomes incomplete and burdensome. This is not merely because we are social beings, but because friendship is a vital bond rooted in freedom, generosity, and goodwill. Friendship is more than duty or utility.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.

Binigyang-diin din nito ang turo ni San Agustin na ang tunay na kaibigan ay nananatiling tapat sa anumang kalagayan ng buhay.

Ayon kay Archbishop Brown, ang pagkakaibigan ay higit pang nagiging ganap sa pananampalatayang Kristiyano sapagkat ito ay nagiging pakikipagkaisa kay Kristo na humahamon sa mga mananampalataya na sama-samang maglingkod, ipagtanggol ang pananampalataya, at pangalagaan ang pagkakaisa ng Simbahan.

“In our mission as Christians, friendship means communion in Christ. Together we strive for the faith, resist false teachings, and guard against discord,” Dagdag pa ni Archbishop Brown.

Ipinaalala rin ng kinatawan ng Santo Papa na ang sukdulang larawan ng pagkakaibigan ay ipinakita mismo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay para sa Kanyang mga kaibigan.

Kasabay nito ay binati ni Archbishop Brown si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ang mga obispo, pari, mga nakatalaga sa buhay-relihiyoso, layko, at lalo na ang mga kabataang kalahok sa kumperensya, at hinikayat ang lahat na patuloy na isabuhay ang diwa ng pagkakaibigang nagmumula kay Kristo bilang daan sa masiglang misyon ng ebanghelisasyon.

Isinagawa ang 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) noong Hulyo 24 hanggang 26, 2026 sa University of Santo Tomas sa Maynila na may temang “Sangkay: I Have Called You Friends” (Jn. 15:15), na naglalayong palalimin ang pakikipagkaibigan kay Hesus at paigtingin ang pakikibahagi ng bawat mananampalataya sa misyon ng Simbahan.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONVERSION OF RELATIONSHIP

 55,584 total views

 55,584 total views “A Filipino culture ruined by politics, of indifference, ideology, self-interest”. Kapanalig, likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng pakikipagkapwa o pakikitungo sa

Read More »

NASAAN ANG SIMBAHAN

 83,876 total views

 83,876 total views Kapanalig, malimit nating naririnig ang katanungang, “NASAAN ANG SIMBAHAN”? Kapag may nangyaring trahedya., sakuna., man-made calamities., kawalan ng moral na pamumuno., WHERE IS

Read More »

Upper-middle income na ang Pilipinas

 129,807 total views

 129,807 total views Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!  Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na

Read More »

Ibinasurang paraiso

 162,890 total views

 162,890 total views Mga Kapanalig, napanood ba ninyo ang dokumentaryo tungkol sa lupang ninuno o ancestral land ng mga katutubong Aeta na ginawang tambakan ng basura

Read More »

Gaslighting

 187,639 total views

 187,639 total views Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang salitang “gaslighting”? Ang gaslighting ay isang uri ng sikolohikal na manipulasyon kung saan ipinalalabas ng isang

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

MISTERYO AT SAKRAMENTO

 27,579 total views

 27,579 total views Homiliya para sa Solemnidad ng Kabanal-banalang Santatlo, 31 Mayo 2026, Juan 3:16-18. “Ang biyaya ng ating Panginoong Hesukristo, ang Pag-ibig ng Diyos Ama,

Read More »

DUE PROCESS

 91,597 total views

 91,597 total views Homiliya para sa Biyernes sa Ikapitong Linggo ng Pagkabuhay, 22 Mayo 2026, Juan 21:15-19 Dati, noong bata ka pa, binibihisan mo ang sarili

Read More »

ANG SUGO AT NAGSUGO

 41,915 total views

 41,915 total views Homiliya para sa Miyerkoles sa Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay, 29 Abril 2026, Juan 12:44-50 “Ang naniniwala sa akin ay naniniwala sa nagsugo

Read More »

BAHALA KA

 45,747 total views

 45,747 total views Homily for Good Shepherd Sunday (World Day of Vocations) 25 April 2026, John 10:1–10 We gather this evening for this Vigil Mass of

Read More »
Scroll to Top